Bangkay ng lalaki, nakitang palutang-lutang sa Pasig River sa bahagi ng Intramuros, Maynila

Isang bangkay ng lalaki ang natagpuan ng mga tauhan ng Philippine Coast Guard na lumulutang sa Ilog Pasig na sakop ng Barangay 656 sa Intramuros, Maynila.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa GMA News Unang Balita nitong Miyerkoles, sinabing nakita ang bangkay ng lalaki noong Biyernes ng gabi.
Sinabi ng pulisya na isang tauhan ng Philippine Coast Guard ang nakakita sa bangkay.
Naging hamon ang malakas na current o agos ng tubig sa isinagawang retrieval operation kaya sa parte na ng Delpan Wharf naiahon ang bangkay.
Sinabi ng Barangay 656 na hindi nila residente ang lalaki, na posibleng inanod lang doon.
“Hindi, hindi namin kilala. Posibleng siguro sa taas galing, baka inanod ng tubig lang. Nagawi rito kasi diyan sa area, umiikot ‘yung tubig diyan. Kaya kung mayroong inanod na mga bagay, bumabalik. Kaya sumabit siya diyan sa may poste,” sabi ni Kagawad Edelberto Araza ng Barangay 656.
Batay sa homicide section ng MPD, walang damit ang lalaki at bloated na ang mukha kaya hirap na siyang matukoy.
Posibleng isang araw na sa tubig ang bangkay bago siya nakita.
Ayon sa pulisya, hindi pa matiyak kung pinatay ang lalaki, at kailangan pa itong isailalim sa autopsy.
Lumabas sa inisyal na pagsusuri ng mga awtoridad na walang nakitang external injuries sa kaniyang katawan.
Posibleng nasa edad 35 hanggang 40-taong-gulang ang lalaki ayon sa pulisya, may taas na nasa 5'4 hanggang 5'6.
May tattoo na Sputnik Gang sa itaas at kanang bahagi ng likod malapit sa balikat ang lalaki. May suot siyang kulay silver na singsing sa kaniyang kanang hintuturo.
Sinabi ng Homicide Section ng MPD na bukas ang kanilang tanggapan para sa posibleng nakakakilala sa lalaki. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.