Daily MaverickAFTER THE BELL: The fall of Numsa’s Irvin Jim — when institutions outgrow their eternal leadersESPNPower Rankings: How did an action-packed Week 8 change the top 25?The Jerusalem PostLikud files police complaint against Eisenkot campaign manager over Polymarket postESPN DeportesA qué hora es la entrega del Balón de Oro 2026The Hollywood ReporterAMC Global Media Chief Communications Officer Georgia Juvelis Exiting Later This Year3DNewsДыры в PHP начали использоваться в реальных атаках — подтверждены успешные взломыDeadlineGeorgia Juvelis Leaving As Chief Communications Officer Of AMC Global Media After 19 Years With CompanyZDF heuteAktuelle Pressemitteilungen des ZDFEuronewsAnthropic's IPO filing shows off soaring revenues as the company warns of AI's 'risks to humanity'Wirtualna PolskaZarzuty dla Brauna, Polska komentuje doniesienia ws. Orbana [SKRÓT DNIA]BillboardBeyoncé Explains Why Even People Who ‘Can’t Stand’ Her Music Like Her Hair-Care Productsn-tvRichter entscheidet gegen Trump: Entlassung von Epstein- und "Diddy"-Ermittlerin war unzulässig
The Daily Newsstand · Free, Always
Monday, October 26, 2026

Mga pamilya ng 2 lalaking nasawi sa ritwal sa Sarangani, walang sinisisi sa nangyaring trahedya

Translate

Dalawang lalaki na magtiyuhin ang nasawi matapos lumahok sa isang ritwal upang lutasin ang kanilang alitan sa lupa sa Alabel, Sarangani. Sa kabila ng trahedya, walang nais sisihin ang kanilang mga pamilya sa nangyari. Pero ano kaya ang nangyari sa pinag-awayan nilang lupain? Alamin.

Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Huwebes, tinukoy ang magtiyuhin na sina Gaspar Palasanon at Tonny Mansag, na nagkaroon ng pagtatalo tungkol sa lupaing may lawak na humigit-kumulang 15 hektarya.

Nagkasundo ang dalawa na lutasin ang usapin sa pamamagitan ng isang ritwal na tinatawag na Sulif ng mga Blaan at Kallep naman ng mga Tagakaulo, upang malaman kung sino ang may karapatan sa lupa.

Sa ritwal, lulubog sa tubig ang dalawa at kung sino ang unang lulutang ang talo. Ginawa ang ritwal sa Glamang River sa Alabel, matapos na hindi maresolba sa barangay ang kanilang problema.

Ngunit nang gawin na ang ritwal, tumagal nang ilang minuto na nakalubog sa tubig ang dalawa. At nang ideklara na tabla ang laban, pareho na silang walang malay at kinalaunan ay tuluyang binawian ng buhay.

“Dahil sa tagal, nagduda na kami. Sumigaw pa ako na baka namatay na talaga silang dalawa,” ayon sa saksi na si Francisco.

Ayon sa barangay officials, inabot ng 10 minuto na nakalubog sa tubig ang dalawa. Ito umano ang unang pagkakataon na may nasawi sa naturang ritwal.

“Unang beses talaga ito na may namatay at sabay pa,” ani Francisco.

Mabuting mga tao

Si Antonina, hirap na matanggap ang sinapit ng kaniyang mister na si Gaspar.

“Simula sa nangyari sa asawa ko, hindi ko po talaga siya matingnan. Hindi ko po matanggap na ganoon ang mangyayari sa kanya,” saad niya.

Ayon kay Antonina, si Gaspar ang tumutustos sa pangangailangan ng kanilang pamilya, kabilang ang dalawa nilang anak na nag-aaral sa kolehiyo at high school.

Sinabi naman ng kanilang anak na si Michelle na sinubukan nilang pigilan si Gaspar sa paglahok sa ritwal, ngunit hindi ito nakinig sa kanila.

“Kaming mga anak niya, pinigilan namin siya. Pero hindi siya nakinig sa amin. Gusto niyang mag-Sulif,” saad niya.

Inalala naman ni Rogelio, anak ni Tonny, ang pag-ahon niya sa kaniyang ama mula sa tubig at ang pagkakatuklas niyang wala na itong buhay.

“Pag-angat ko sa kanya sa tubig, Sir. Nu’ng mahawakan ko po Sir, wala na pong hininga. At ‘yung katawan niya, parang kahoy po. Wala na siyang buhay,” pahayag niya.

Parehong sinabi ng mga pamilya na hindi nila sinisisi ang mga opisyal ng barangay sa pagsasagawa ng ritwal dahil kusang nagpasiyang lumahok dito ang dalawa.

Ang lupang pinag-awayan

Tinatayang 15 ektarya ang lawak ng lupang pinagmulan ng alitan. Ayon sa pamilya ni Gaspar, nais nilang gamitin ang lupa sa pagtatanim ng mais at mga puno ng niyog. Samantala, plano naman ng pamilya ni Tonny na paghati-hatian ng kanilang mga miyembro ang kikitain sakaling maibenta ang lupa.

Sinabi ni Michelle na may kaugnayan ang kanilang pamilya sa lupa dahil doon nanirahan ang kaniyang lolo at ama. Nabalitaan din umano ni Gaspar na may gustong bumili ng lupa upang paunlarin ito.

Iginiit naman ng pamilya ni Tonny na ipinagkaloob ang lupa sa kanilang mga ninuno bilang Bangon, o kabayaran sa isang pagpatay na naganap sa kanilang komunidad.

Ayon sa isang Indigenous Peoples Mandatory Representative (IPMR), ang Bangon ay isang tradisyonal na uri ng kabayaran na maaaring sa pamamagitan ng lupa, mga kabayo, o kalabaw.

Ngunit kinuwestiyon ni Lemon, tiyuhin ni Gaspar, ang pag-angkin ng pamilya Mansag sa lupa. Ayon sa kaniya, naibigay na ang kabayaran para sa naturang ari-arian at pag-aari na ito ng pamilya ni Gaspar.

Sinabi ni Barangay Captain Franklin na apat na buwan nilang tinalakay ang alitan ng dalawa. Kabilang dito ang tatlong pagpupulong sa harap ng lupon ng tagapamayapa ng barangay at isa pang pagpupulong kasama siya. Gayunman, hindi nagkasundo ang dalawang pamilya.

Pinayuhan ang magkabilang panig na idulog ang usapin sa IPMR at sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), ngunit mas pinili nilang ayusin ito sa pamamagitan ng kanilang tradisyonal na pamamaraan.

Ayon sa isang IPMR, matagal nang isinasagawa ng kanilang mga ninuno ang Sulif. Itinuturing itong huling paraan kapag hindi na naaayos ang mga alitan sa pamamagitan ng pag-uusap.

Inilarawan din ng Sarangani Province Indigenous Peoples Congress ang ritwal bilang bahagi ng nakaugaliang sistema ng hustisya ng kanilang komunidad.

Gayunman, sinabi ng isang kinatawan na hindi dapat gamitin ang ritwal upang matukoy kung sino ang may-ari ng lupa. Aniya, dapat ding isaalang-alang ang kasaysayan ng ari-arian at ang mga taong makapagpapatunay sa pinagmulan nito.

Sinabi ng NCIP na tumulong ito sa pagbuo ng isang kasunduan matapos ang insidente. Sa ilalim ng panukalang kasunduan, nais ng dalawang pamilya na maiwasan ang pagsasampa ng mga kaso at sa halip ay pantay na paghati-hatian ang pinagtatalunang lupa, kung saan 50% ang mapupunta sa bawat panig.

Nagsagawa rin ang ahensiya ng imbestigasyon at ipinasa ang mga natuklasan nito sa panrehiyong tanggapan para sa karagdagang koordinasyon sa national office.

Samantala, umapela ang Sarangani Province Indigenous Peoples Congress sa publiko na huwag kutyain ang komunidad at ang kanilang mga tradisyon.

Tinutulan din ng kinatawan ang pagkuha ng video at pagpapakalat nito sa internet. Ayon sa kaniya, sagrado ang ritwal at dapat ay ang mga kalahok at kanilang mga pamilya lamang ang nakasaksi rito.

Dahil sa pagkamatay ng dalawa, nananawagan ang ilang miyembro ng komunidad na talakayin ang mga hakbang pangkaligtasan upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa mga susunod na pagsasagawa ng ritwal.

Ayon sa isang kinatawan, hindi dapat tuluyang itigil ang tradisyon, ngunit iminungkahi niyang magtakda ng dalawa o tatlong minutong limitasyon sa oras upang maiwasan ang isa pang trahedya.

Ngunit para sa anak ni Gaspar na si Michelle, “Sana ay hindi na po maulit ang Sulif, kasi kapag namatay ang isang tao, hindi na maibabalik ang buhay niya.” — FRJ GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.