Lalaki, patay nang barilin ng ama ng mga menor de edad na kaniya umanong pinagtripan

Nasawi ang isang 19-anyos na lalaki matapos siyang barilin ng ama ng menor de edad na kaniya umanong pinagtripan sa Passi, Iloilo. Ang nasawi, binugbog pa umano.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa GTV News Balitanghali nitong Martes, sinabi ng pulisya na nakikipag-inuman ang lalaki kasama ang kaniyang barkada nang mapadaan sa kanilang lugar ang dalawang menor de edad na magkapatid.
Napagtripan umano ng biktima ang mga menor de edad, na humantong sa batuhan ng bote.
Kalaunan, nagsumbong ang dalawang menor de edad sa kanilang tatay, na pinuntahan ang lalaki at binaril.
Matapos barilin, binugbog pa umano ng ama at ng dalawa nitong anak ang biktima.
Dinakip ang lalaking namaril matapos siyang isuko ng mga kaanak sa pulisya.
Mahaharap sa reklamong murder ang tatay, na walang pahayag.
Ini-refer naman sa kustodiya ng Passi City Social Welfare and Development Office ang dalawang menor de edad. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.