Cyberattacks sa Europe, tinarget mga freezer sa supermarket; mga pagkain at tinda, nasira

Nasira ang maraming pagkain ng ilang supermarket sa Europa matapos tumaas ang temperatura o malagay sa defrost mode ang mga freezer dahil sa panibagong cyber attacks.
Sa ulat ng GMA news Unang Balita nitong Martes, sinabi ng mga awtoridad na madaling araw ng Lunes nang targetin sa cyber attack ang mga refrigerator at freezers ng ilang supermarket gaya sa Sweden.
Tinaasaan ng mga gumawa ng cyberattack ang temperatura hanggang sa 50 degrees Celsius o inilagay ang mga ito sa defrost mode.
Dahil dito, nasira ang maraming pagkain at kailangang itapon.
Naapektuhan din ang ilang pamilihan sa Belgium, Ireland at Luxembourg.
Katulad ito sa naganap ding cyber attack sa ilang pamilihan sa France nitong Oktubre.
Walang umako ng responsibilidad sa mga pagsalakay.
Patuloy ang pagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa nangyari.
Sinabi ng European Commission na nakababahala ito dahil makikita kung paano nakakaapekto ang digital threats sa buhay ng tao. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.