Mga abo sa ibinigay sa fur parents sa Cavite, hindi sa hayop, ayon sa NBI

Lumabas sa resulta ng pagsusuri ng National Bureau of Investigation (NBI) na hindi labi ng mga hayop ang laman ng mga urn na ibinigay sa mga pet owner ng isang pet crematorium sa Cavite. Dahil dito, naghain ng reklamo sa Department of Justice (DOJ) ang ilang apektadong may-ari ng mga namayapang alagang hayop.
Sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinamahan ng NBI at mga miyembro ng Philippine Animal Welfare Society (PAWS) ang mga pet owner sa tanggapan ng DOJ upang magsampa ng kaso laban sa mga may-ari ng Ahjay Pet Crematorium.
Iniuugnay ang mga may-ari ng Ahjay Pet Crematorium sa umano'y pag-outsource sa ilan sa kanilang serbisyo, na nagresulta umano sa basta-bastang pagtatapon ng mga labi ng hayop sa Bulacan.
Nahaharap ngayon sa mga kasong estafa at paglabag sa Ecological Solid Waste Management Act ang mga may-ari ng crematorium at iba pang sangkot sa insidente.
Sinuri ng NBI ang mga abo na isinumite ng mga nagreklamong fur parent at natuklasang hindi nagmula sa mga labi ng hayop ang mga ito.
“Ang laman pala nung urns ay hindi ashes ng pet remains kung hindi silicon, iron, potassium and aluminum. So ito yung mga elements na hindi dapat nandun kung talagang pet remains yung nasa loob ng mga urns,” ayon kay PAWS Executive Director Anna Cabrera.
Dahil dito, sinabi ni NBI Director Melvin Matibag, na mas malakas na ang kaso.
“Kasi object evidence yan na lumalabas, science-based na hindi talaga siya abo, wala talagang nangyaring cremation. Estafa talaga... inestafa mo talaga yung mga nagpa-cremate sayo,” ani Matibag.
Masakit naman para kay Jennifer, isa sa mga fur parent, na malaman na hindi labi ng kaniyang alagang hayop ang kaniyang natanggap, na itinuring nilang miyembro ng pamilya.
Umaabot umano sa P6,000 hanggang P12,000 ang singil para sa bawat cremation depende sa laki ng hayop.
Ayon kay Cabrera, patuloy silang naghahanap ng karagdagang ebidensiya at iba pang magrereklamo upang posibleng maiakyat ang kaso sa syndicated estafa.
Bukod sa limang pet owner na nagtungo sa NBI, mayroon ding siyam na nagreklamo sa Bacoor Police. Inaasahan ding tutulong ang PAWS sa paghahain ng anim pang kaso.
Hindi pa nagpapakita ang mga may-ari ng pet crematorium sa Cavite. Hinimok naman sila ng mga apektadong fur parent na harapin ang mga reklamong isinampa laban sa kanila. — Jean Mangaluz/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.