Mga Pinoy nurse, physical therapist sa US, posibleng maapektuhan ng mga pagbabago sa PERM sa pagkuha ng green card
Posibleng dumaan sa dagdag na proseso at mas mahabang paghihintay ang mga Filipino nurse at physical therapist na nag-aaplay para makakuha ng green card sa Amerika sa ilalim ng mga iminungkahing pagbabago sa permanent labor certification program o mas kilala bilang PERM.
Sa 107-pahinang panukalang inilathala sa Federal Register, nais ng US Department of Labor na palawakin ang mga rekisito sa recruitment na kailangang sundin ng mga employer bago sila makapag-sponsor ng mga dayuhang manggagawa para sa permanenteng paninirahan sa US—tulad ng mga Pinoy.
Ayon sa kagawaran, layunin ng mga pagbabago na maprotektahan ang sahod ng mga manggagawang Amerikano at mabigyan ng mas malaking pagkakataon ang mga kuwalipikadong aplikante na mapunan ang mga bakanteng trabaho.
Isa sa mga pangunahing pagbabagong iminungkahi ay ang pag-aalis sa Schedule A, na pinapayagan ang mga employer na kumukuha ng mga dayuhang nurse, physical therapist at ilang manggagawa na may pambihirang kakayahan na hindi na dumaan sa karaniwang PERM recruitment process.
Nakabatay ang Schedule A sa pagtukoy ng kagawaran na kulang ang bilang ng mga kuwalipikadong manggagawang Amerikano para sa mga naturang trabaho o kategorya.
Sa ilalim ng panukala, kakailanganing magsagawa ng recruitment para sa mga manggagawang Amerikano ang mga employer na nag-i-sponsor ng mga nurse at physical therapist. Kailangan din nilang kumuha muna ng labor certification mula sa kagawaran bago makapaghain ng immigrant petitions.
Sa pangkalahatan, kailangang mag-anunsiyo ng mga bakanteng trabaho ang mga employer sa loob ng hindi bababa sa 90 araw at magdokumento ng kanilang mga pagsisikap na makahanap ng mga manggagawa sa kanilang bansa, bago maghanap ng dayuhan.
Para sa mga Filipino applicant, posibleng maging daan ito ng mas mahabang paghihintay bago makapaghain ng immigrant petition ang kanilang mga potential employer. Gayunman, hindi pa matiyak kung gaano katagal ang madadagdag sa proseso ng bawat aplikasyon.
Kung may mag-aaplay na manggagawang Amerikano na may kakayahan, handa, kuwalipikado at available para sa trabaho, posibleng hindi makakuha ang employer ng labor certification na kailangan upang makapag-sponsor ng dayuhang aplikante.
Maaari namang makinabang ang mga Filipino-American na naghahanap ng trabaho at mga Filipino permanent resident sa mas pinalawak na recruitment requirements at mga proteksiyong inilaan para sa mga manggagawang naapektuhan ng tanggalan sa trabaho.
Longer recruitment process
Sinabi ni Arvin Amatorio, isang immigration attorney at alkalde ng Bergenfield, New Jersey, na sinusuportahan niya ang electronic filing at ang pagbibigay ng patas na pagkakataon sa mga manggagawang Amerikano na makuha ang mga bakanteng trabaho.
Gayunman, nagbabala siya na ang pag-alis sa Schedule A ay maaaring magpahirap sa mga ospital at nursing home sa mga komunidad na kulang sa serbisyong pangkalusugan na makahanap ng mga manggagawa.
"What concerns me most is getting rid of Schedule A. If that happens, employers sponsoring nurses and physical therapists would generally have to go through the regular recruitment process," pahayag ni Amatorio sa isang mensahe.
"Think about a hospital or nursing home in an underserved community that's already struggling to hire nurses. How much longer will it take to fill those jobs? It could be catastrophic for them," dagdag niya.
Tukuyin ang kailangan
Sinabi rin ni Amatorio na maaari pa ring mag-aplay ang mga Filipino nurse para sa green card sa pamamagitan ng kanilang mga employer. Gayunman, posibleng mawalan ng gana ang ilang employer na mag-sponsor ng mga dayuhang manggagawa dahil sa mas mahabang paghihintay at mas mataas na gastos.
"I'd rather see the Labor Department look at where the shortages actually are and keep the exemption in those areas," patuloy niya. "We can give US workers a fair shot and still make sure patients get the care they need."
Kailangang repasuhin muna ng Labor Department ang mga natanggap na komento bago maglabas ng pinal na tuntunin. Kung maaprubahan, itatakda sa final rule kung kailan ito magkakabisa at ipaliliwanag kung paano ipatutupad ang mga pagbabago.
Maaaring magsumite ng komento ang publiko tungkol sa panukala hanggang Enero 19, 2027.
Sa kasalukuyan, nananatiling available ang Schedule A sa ilalim ng umiiral na mga patakaran.
Samantala, sinabi ni US Department of Labor Inspector General Anthony D'Esposito sa isang panayam sa media, na iniimbestigahan ng kaniyang tanggapan ang ilang malalaking kumpanya dahil sa umano'y pag-abuso sa mga visa program para sa mga dayuhang manggagawa.
Inakusahan ni D'Esposito ang ilang employer na kumukuha ng mga dayuhang manggagawa habang isinasantabi ang mga kuwalipikadong Amerikano.
Sinabi niya na nais ng administrasyong Trump, sa pakikipagtulungan kay Labor Secretary Keith Sonderling, na bigyan muna ng pagkakataon ang mga manggagawang Amerikano na makuha ang mga bakanteng trabaho.
"It's not anti-immigration, it's putting American workers first," aniya, habang pinabulaanan ang mga paratang na racist o kontra-imigrante ang hakbang ng administrasyon.— Dave Llavanes Jr./FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.