2 holdaper umano na nambiktima ng pulis sa Taguig, patay nang maka-engkwentro ang mga awtoridad

Patay ang dalawang holdaper umano na nabiktima ng isang pulis matapos maka-engkuwentro ang iba pang pulis sa Barangay Ususan sa Taguig City.
Sa ulat ni Luisito Santos ng DZBB nitong Huwebes, sinabi ni Southern Police District Director Police Brigadier General Rodel Pastor, na patuloy nilang inaalam ang pagkakakilanlan ng dalawang suspek na nakasakay sa isang motorsiklo.
Base sa inisyal na imbestigasyon ng Taguig City Police, nagpapatrolya ang kanilang mga tauhan sa bahagi ng Cayetano Boulevard nang magdeklara ng holdap ang mga suspek sa biniktima nilang pulis na nakatalaga rin sa Taguig City Police.
Kalaunan, naka-engkuwentro ng dalawa ang mga awtoridad na humantong sa pagkamatay ng mga suspek.
Samantala, isang pulis ang sugatan sa balikat matapos na tamaan ng bala ng baril sa pagresponde sa insidente. Dinala siya sa Medical Center Taguig para lapatan ng lunas.
Pansamantalang hindi nadaraanan ng mga motorista ang bahagi ng Cayetano Boulevard kung saan naganap ang engkuwentro.
Dumating din sa lugar si NCRPO Director Police Brigadier General Christopher Abrahano, pati na rin si Pastor para personal na alamin ang pangyayari tungkol sa engkuwentro.
Sa follow-up report sa dzBB, sinabi ni Pastor na natukoy na ang pagkakakilanlan ng mga suspek, isa sa kanila ang lider ng Santos Robbery and Carnapping Group na may patong patong na kaso.
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.