Anak na nagdiriwang ng kaarawan, naiyak nang sorpresang umuwi ang kaniyang inang OFW

Umantig sa puso ng netizens ang madamdaming birthday celebration ng isang binatilyo sa Calamba, Laguna, na naging instant family reunion na rin dahil sorpresang umuwi ang kaniyang inang overseas Filipino worker, at solo parent.
Sa ulat ng GTV News Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood ang video ni YouScooper Vanessa nang magka-“tears of joy” ang birthday boy na si Kha-El Mercado, matapos umuwi ang nanay niyang OFW na si Juvy, at may dalang cake.
Kaagad niyang niyakap at ng kaniyang kuya ang kanilang ina na single parent.
Ayon kay Vanessa, dalawang taon na nang huling umuwi ang kapatid niyang OFW na nagtatrabaho sa United Kingdom.
“Maraming okasyon ang hindi sila magkakasama, kaya naman mas naging special ang araw na ‘yun sa kanilang mag-ina,” sabi ni Vanessa sa GMA News.
Sa kabuuan, walong taon nang OFW si Juvy sa iba't ibang bansa.
Hindi rin naitago ng mga kaanak ang kanilang emosyon dahil batid nila ang sakripisyo ni Juvy na mag-isang itinataguyod ang kaniyang mga anak. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.