Mga Pinoy, dapat bang mangamba sa kasalukuyang lagay ng ekonomiya?

Kumpara noong 2018, nasa 73 sentimos na lamang umano ang tunay na halaga ng isang piso. Sa kalagayan ngayon ng ekonomiya ng bansa, dapat na nga bang mangamba ang mga Pinoy at ano ang kailangang gawin? Alamin ang pananaw ng isang ekonomista.
Dahil sa krisis at kaguluhan sa Middle East, patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo. Pinapalala pa ito ng paghina ng halaga ng piso laban sa dolyar ng Amerika at patuloy na tumataas ang inflation o bilis ng pagmahal ng mga bilihin at serbisyo.
Malaking problema rin ang usapin ng korupsiyon sa bansa na ikinakadismaya umano ng ilang negosyante at mamumuhunan. (BASAHIN: Ombudsman hits 'impunity of corruption' as gov't execs extort from legit businesses)
Sa isang panayam sa GMA program na Unang Hirit, sinabi ng economist na si Professor Emmanuel Leyco, higit na nagdudulot ng pangamba sa mga minimum wage earner ang paghina ng piso laban sa dolyar.
Ipinaliwanag niya ang ilang dahilan sa pagbaba ng halaga ng piso.
“Napakalaki ng ating inaangkat sa labas ng Pilipinas at ang ginagamit natin na pang-angkat ay dolyar. Binibili natin ang dolyar ng ating piso pero 'yung dollar revenues natin, 'yung inflows ng dolyar ay kakaunti kumpara doon sa inaangkat natin na ang gamit natin ay dolyar,” saad ng propesor.
“So kumbaga mataas ang ating importation, mas mababa ang ating exports, kakaunting dolyar ang pumapasok sa bansa, mas malaki ang lumalabas. ‘Yun ang pangunahing nagpapahina ng halaga ng piso,” dagdag niya.
Bukod dito, napakataas na rin ng presyo ng petrolyo. Sa Amerika naman, lalo pang pinalalakas ang dolyar dahil sa eleksyon.
Ayon kay Leyco, bababa pa ang halaga ng piso kapag nagtaas ng interest rate ang Federal Reserve ng Amerika.
“Talo 'yung may mga piso na inilalagay lang nila sa bulsa kasi meron silang 1.7% na negative,” dagdag ni Leyco.
Dagdag ng ekonomista, nasa P0.73 sentimos na lamang ang tunay na halaga ng isang piso, kumpara sa halaga nitong noong 2018.
Pagdating naman sa mga nakatatanggap ng dolyar mula sa mga kaanak sa abroad, puwede itong ikasaya ng pamilyang nasa sa Pilipinas pero panandalian lamang.
“Kasi pagka umakyat na ang inflation, kung ano man ang ganansya na nakuha mo dahil sa mas mataas na palitan ng dolyar kontra piso, mawawala rin ‘yan [ng saysay] dahil sa inflation [na mahal ang bilihin at serbisyo],” ani Leyco, na idinagdag na “buffer” lamang ang pagkakaroon ng dolyar.
Kumpara noong dati na dagsa pa ang mamimili, sinabing mahina rin ang kita ng mga negosyo ngayong Ber months.
“Kasi 'yung pangamba ng mga mamamayan ay ramdam na ramdam natin. 'Yung kumpiyansa nila sa ekonomiya ay napakahina na sa mga panahon na ‘to. So ngayon, imbes na gumastos sila, ibubulsa na lang muna nila o kaya wala na silang mahugot eh,” patuloy na propesor.
Dagdag pa nito, mas uunahin na ngayon ng mga Pinoy na bilhin lamang ang mga pangunahing pangangailangan gaya ng pagkain.
Binanggit ni Leyco na ilang mga kapitbahay na bansa sa Asya ang nagpatupad ng kombinasyon ng price ceiling at subsidy upang protektahan ang kanilang mga mamamayan laban sa mahal na bilihin at paghina ng ekonomiya.
Ngunit sa Pilipinas, “let the market decide” ang estratehiya, ayon kay Leyco.
“Pero meron din tayong kaunti na mga price subsidy, may ayuda. Pero tayo ang may pinakamalala ang dinaranas ngayon,” komento niya.
Gayunman, mayroon nang kapangyarihan ang Pangulo na iatras ang excise tax. Mungkahi ni Leyco, “ibalato” na lamang ng gobyerno ang value added tax sa konsumer, at tanggalin ang excise tax.
“Mahirap sabihin ‘don't panic’ dahil parang nagbabadya ng mas malala pa. Pero sa palagay ko hindi pa ‘to natatapos. Hangga't tuloy-tuloy ang giyera sa Middle East, patuloy ang pagtaas ng presyo ng halaga ng dolyar, patuloy pa ring dadausdos ang halaga ng piso,” sabi niya.
“Kung kaya sa atin sa mga Pilipino, huwag tayong mawawalan ng pag-asa. Kapit lang tayo pero at the same time lagi tayong magmamatyag. Lagi tayong magbabantay lalong lalo na sa pondo ng bayan. Kailangang kailangan natin bantayan kada sentimo, kada singko, siguraduhin natin na hindi ito makukurap,” payo ng ekonomista.
Kamakailan lang, sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na huwag mag-panic dahil pinoprotektahan ng gobyerno ang halaga ng piso laban sa dolyar.
Ngayong Biyernes, nakabawi ang halaga ng piso na nagsara sa P63.74:US$1, matapos na pumalo sa bagong record low na P64 nitong kalagitnaan ng linggo. –FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.