1 sa mga nasugatang estudyante sa school shooting sa Banga, lumaban sa shooter kaya nailigtas ang mga kaklase

Itinuturing bayani ang isa sa mga estudyanteng nasugatan sa nangyaring pamamaril sa isang paaralan sa Banga, South Cotabato dahil sa ginawa niyang paglaban sa estudyanteng shooter upang mailigtas ang iba pa niyang kaklase na nasa loob ng isang silid-aralan.
Sa ulat ng GMA News Unang Balita nitong Lunes, ikinuwento ni South Cotabato Governor Raynaldo Tamayo Jr. kung papaano iniligtas ng 14-anyos na bayaning estudyante ang kaniyang mga kaklase.
Ayon kay Tamayo, sinipa ng estudyante ang shooter kaya ito napaatras at saka niya isinara ang pinto ng silid-aralan. Gayunman, nagpaputok pa rin ng baril ang estudyante shooter at tinamaan ang bayaning mag-aaral sa kamay.
“Pero tuloy pa rin… nung nilagay nung gunman yung kamay niya sa bintana eh lumaban din tong si…, at talagang siya na yung tinutukan…binaril nang binaril,” dagdag pa ng gobernador.
“Ang ginawa niya naman sinira yung bintana sa likuran para makalabas ang ibang estudyante,” sabi pa ni Tamayo.
Binisita ng mga opisyal ng pamahalaan ang bayaning estudyante habang nagpapagaling sa ospital.
Sa hiwalay na pahayag mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), sinabing nasa 30 mag-aaral ang nagawang mailigtas ng bayaning estudyante.
Naunang iniulat na hindi sa mismong klase niya namaril ang Grade 9 na shooter, at sa halip ay nagtungo ito sa mga katabing silid-aralan at basta na lang namaril ng ibang estudyante.
Tatlo ang nasawi sa insidente—kabilang ang shooter na nagbaril sa sarili—ang walong iba pang mag-aaral ang nasugatan.
Ayon kay Banga Mayor Albert Palecia, lumalabas na sinabihan umano ng shooter ang iba niyang mga kaklase na umalis na pagkatapos ng tanghalian upang hindi madamay sa kaniyang gagawin.
May ibang kaklase niya ang hindi na pumasok, habang may iba naman na inakala umanong nagbibiro lang ang shooter.
Idinagdag ng alkalde na lumilitaw sa mga paunang impormasyon na Agosto pa plinano ng shooter ang kaniyang masamang balak sa paaralan, at una nitong binalak na isagawa ang plano noong September 3 pero hindi niya naisakatupan. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.