OPINION: Ask Atty. Gaby: Ambulansya, sinalpok ng TNVS!

Mga Kapuso, lalo na sa mga kagigising lang, makinig po mabuti para hindi kayo malito sa pag-uusapan natin.
Sa Quezon City, nasalpok ng isang kotse ang ambulansyang may sakay na sugatang taxi driver!
Sa lakas ng pagkakabangga, wasak ang harapang bahagi ng kotse habang natanggal naman ang pinto ng ambulansya.
Sakay ng ambulansya ang 53 years old na taxi driver na nasugatan naman matapos mabangga ng motorsiklo.
Sabi ng driver ng kotse, posibleng nakaidlip siya habang nagmamaneho.
Inilipat ng ibang ambulansya ang sugatang taxi driver para madala sa ospital.
Pag-usapan natin 'yan. Ask me, ask Atty. Gaby!
Atty., nasa opisyal na pagresponde ang ambulansya at may sakay itong pasyente na naaksidente nang maaksidente rin mismo. Ano ang sinasabi ng batas tungkol dito?
Unang una, sana ay nasa maayos na kalagayan ang kawawang taxi driver na nasangkot sa aksidente, not just once – but twice!
At 'yan ang dahilan kung bakit kailangan nating sundin ang general rule sa ilalim ng Article 5, Section 49 ng Republic Act NNo. 4136 o Land Transportation and Traffic Code na may special right of way ang isang ambulansya kapag ito ay nasa official business at rinig ang signal siren kapag dadaan ito.
Ibig sabihin, kapag may nakakita o nakarinig na kayo ng sirena – whether it is an ambulance or a fire truck or sa police car – dapat ay tumabi kayo, tumigil at paraanin sila.
Huwag makipag-unahan, huwag isipin na fine-fake lang ng mga ito. Kung minsan kasi, iiniisip ng ibang tao na wala naman talagang sakay ang ambulansya, or wala naman talagang hinahabol ang police car – “Umiiwas lang sa traffic ang mga yan!”. Naku huwag po ninyong gawin o isipin 'yan!
Always assume na may tunay na emergency at sundin ang requirement ng batas. Ang mga emergency vehicle ay dapat palaging bigyang daan.
That being said, mukhang ang twist sa balitang ito ay ang pag-amin ng driver na baka nakatulog siya.
Sabi nga nila, “Honesty is the best policy” pero hindi pa rin siya makakaiwas sa pagkakaroon ng liabilidad.
More often than not, ang isang driver na nakatulog habang nagmamaneho ay mananagot in case magkaroon ng aksidente dahil nga nakatulog siya.
Unang-una, unless ito ay isang stroke o aneurysm na biglaang nangyayari na maaaring mawalan ng malay ang driver, 'yung nakakatulog na driver, never naman 'yan nangyayari ng biglaan unless may sleep apnea siya.
May warning signs naman 'yan. Alam ninyo naman kung sobrang inaantok na kayo, pagod, humihikab, mabigat ang mata.
Mas mabuti pa na itulog ninyo muna, imbes na sumakay ng kotse at magmadali para makatulog sa bahay.
'Yang pakikipagsapalaran na 'yan ay pagpapabaya o negligence na dapat ninyong panagutan.
Ganu'n din kung uminom kayo ng gamot na nakakaantok, pero magda-drive pa rin kayo.
Kung mapapatunayang nakaidlip ang driver at ang pagkaidlip na ito ang naging sanhi ng aksidente, well, in this case, umamin na ang driver, posible siyang managot sa ilalim ng Revised Penal Code, reckless imprudence resulting in damage to property or physical injury kung may nasaktan.
Pananagutan rin ang mga danyos sa mga sasakyan, halimbawa, at kung ano pang ibang civil liability dahil sa aksidente. And of course, ang traffic violation ng reckless driving.
Tandaan, ang isang motor vehicle tulad ng kotse malaking pinsala ang maaaring idulot lalo na sa mga kawawang pedestrian at mga motor.
Kaya't laging maging maingat. Kung nakainom, inaantok, don't drive! And no texting while driving.
Mga paalala lamang po for safer roads and highways for all of us.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.