The Daily Newsstand · Free, Always
Monday, October 12, 2026

Rider na nag-overtake umano, bumangga sa tricycle; 1 patay, 5 sugatan

Translate

Isa ang nasawi, habang lima ang sugatan matapos bumangga ang isang motorsiklo sa nakasalubong na tricycle sa Urbiztondo, Pangasinan.

Sa ulat ni Jasmien Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Lunes, sinabing batay sa imbestigasyon ng pulisya, tinatahak ng rider ang national highway papuntang bayan nang mag-overtake ito sa isang sasakyan.

Ngunit nakasalubong nito sa kabilang linya ng kalsada ang paparating na tricycle at doon na nangyari ang banggaan.

Nasawi ang rider ng motorsiklo habang sugatan ang kaniyang angkas, pati na ang driver ng tricycle at tatlo nitong sakay.

Patuloy pa ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.

Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang kaanak ng nasawing rider, pati na ang iba pang sangkot sa insidente, ayon sa ulat.

Samantala, isang 32-anyos na rider din ang nasawi matapos namang sumalpok sa poste ng ilaw sa Barangay San Juan sa San Jacinto, Pangasinan.

Sa imbestigasyon ng pulisya, pauwi na ang rider sa Manaoag sa Pangasinan din nang mangyari ang aksidente.

Ayon sa pulisya, nangyari ang insidente sa kalsada na tinatawag na “snake road” dahil sa paliko-liko ang daan sa lugar.

Nawalan umano ng kontrol ang rider sa kaniyang motorsiklo hanggang sa bumangga ito sa poste ng ilaw, at tumama ang kaniyang ulo.

Idineklarang dead on arrival sa ospital ang biktima.

Ayon sa isang kaanak, karaniwang nagmomotorsiklo ang biktima kapag nakainom para magpahangin at nakauuwi naman nang maayos. – FRJ GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.