19-anyos na babae na ipinaglaban ang puri, sinaksak ng lalaking nagtangka siyang halayin

Malubhang nasugatan ang isang 19-anyos na babae matapos siyang magtamo ng saksak sa leeg at mga sugat sa ulo na kagagawan umano ng lalaking nagtangkang gumahasa sa kaniya sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ni James Paolo Yap sa GMA News 24 Oras nitong Martes, makikita ang isang lalaki na armado umano ng patalim na pinapasuko ng mga tao sa Barangay Nazareth nitong dakong 1:00 am kahapon.
Ang naturang lalaki na 41-anyos, caretaker umano sa isang paupahan at suspek sa pananaksak at tangkang paghalay sa biktima.
Ang biktima, napag-alaman na tenant o nangungupahan sa binabantayang paupahan ng suspek.
Kuwento ng residenteng si Julius Flores, nakadinig siya ng humihingi ng saklolo sa labas ng kaniyang shop.
Nang puntahan ang pinagmumulan ng humihingi ng tulong, nakita niya ang babae na nakaupo, puno ng dugo at nakahawak sa leeg.
“Paglabas ko, paglingon ko ang nanaksak sa kaniya, tumatakbo na,” saad ni Flores, na sinabing may mga sugat din sa ulo ang biktima.
Tumawag umano ng pulis si Flores para madala sa ospital ang biktima, habang may ibang humabol naman sa tumatakas na suspek hanggang sa nasukol at nahuli.
Nasa kustodiya na ng pulisya ang suspek, na sinusubukan pang makuhanan ng pahayag.
Sasampahan siya ng reklamong acts of lasciviousness at frustrated homicide.
Patuloy naman na ginagamot sa ospital ang biktima na kailangang isailalim sa operasyon. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.