Unang gold ng Pilipinas 2026 Asian Games, ibinigay ni Carlos Yulo

Nasungkit ni Carlos Yulo ang gintong medalya sa Asian Games at na nagbigay ng unang gold medal para sa Pilipinas sa ginaganap na palaro sa Nagoya General Gymnasium sa Japan. Ang naturang medalya, nakuha ni Yulo matapos siyang mangibabaw sa men's floor exercise finals nitong Huwebes.
Nagtala ang two-time Olympic gold medalist ng 14.666 puntos, na 8.966 sa execution at 5.7 sa difficulty, upang manguna sa walong gymnast na kasama rin ang kaniyang nakababatang kapatid na si Eldrew.
Ito ang unang gintong medalya ng Pilipinas sa edisyong ito ng Asian Games. Dahil dito, may isang gold medal na ang bansa, bukod sa isang silver at apat na bronze, sa medal standing.
Magkakaroon pa ng pagkakataon si Yulo na madagdagan ang kaniyang medalya sa finals ng vault at parallel bars.
Dahil din sa naturang tagumpay, nakumpleto na ni Yulo ang kanyang koleksiyon ng gold medals sa iba’t ibang pandaigdigang kompetisyon, kabilang ang SEA Games, Asian Championship, World Championships at Olympics.
Nakuha naman ni Milad Karimi ng Kazakhstan ang silver medal, at bronze kay Shoma Tsukiyama ng Japan.—Bea Micaller/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.