Motorcycle rider, patay nang pagbabarilin ng riding-in-tandem kahit may anak na angkas

Isang 49-anyos na lalaking motorcycle rider ang nasawi matapos siyang barilin ng riding-in-tandem sa Antipolo, Rizal. Ang 18-anyos na anak ng biktima na kaiyang angkas, nakaligtas.
Sa ulat ni EJ Gomez sa GMA News Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente nitong gabi ng Martes sa Barangay San Luis.
Batay sa kuha ng CCTV camera, dinikitan ng motorsiklo ng mga salarin ang motorsiklo ng biktima habang bumibiyahe. Ilang saglit lang, natumba na ang motorsiklo ng biktima, habang tumakas naman ang mga salarin.
Humandusay sa kalsada ang biktima na isang mekaniko, na dead on arrival sa ospital.
Apat na basyo ng bala ang narekober sa crime scene.
“Yung ating victim po ay nagtamo ng tatlong tama ng baril. Isa po sa tagiliran, isa sa kili-kili at isa sa likod,” sabi ni Police Lieutenant Ken Ladyong Ada-Ol, Chief Investigator ng Antipolo Police.
Lumabas sa imbestigasyon ng Antipolo Police na person of interest ang dalawang lalaking kapitbahay ng mag-ama na dati na nilang nagkaaway.
“Ang pinaka reason kung bakit po binaril o pinatay 'yung ating victim ay dahil po sa grudge or sa galit. 'Yung person of interest po natin is binakuran niya umano 'yung kanilang boundary dito, may sapa po kasi 'yung ano nila. So kada umuulan, bumubuhos 'yung tubig doon sa bahay ng ating victim. Pinabarangay ng ating victim 'yung ating person of interest or suspect. Next few days is 'yung ating pong kapatid, 'yung isa po is pinagbabato 'yung ating victim ‘di umano. ‘Yun po, pinabarangay po ulit niya,” sabi ni Adal-Ol.
Tumangging humarap ang mga kaanak ng biktima sa camera.
Ayon sa kanila, pauwi na sana ang mag-ama mula sa pag-sideline ng trabaho bilang construction worker nang maganap ang pamamaril.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng pulisya at pagtunton sa riding-in-tandem na nahaharap sa reklamong murder.—Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.