Estudyante, patay nang makabanggaan ng minamanehong niyang motorsiklo ang papalikong tricycle sa Pangasinan

Hindi na nakauwing buhay ang isang 19-anyos na estudyanteng lalaki na galing sa eskuwelahan matapos na makabanggaan ng minamaneho niyang motorsiklo sa isang papalikong tricycle sa Mangaldan, Pangasinan.
Sa ulat ni Jasmine Gabriel Galvan sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Miyerkoles, makikita sa kuha ng CCTV camera ng Barangay Guiguilonen sa national highway na sumenyas ang driver ng tricycle sa gagawin niyang pagliko sa kaliwa.
Nakalampas na ang tricycle sa gitna ng highway nang magtangka ang motorsiklo ng biktima na mag-overtake sa kaniya pero nagkabanggaan ang dalawa.
Sa lakas ng banggaan, tumilapon ang dalawang sakay ng motorsiklo, habang bumaliktad naman ang tricycle.
Nasawi ang estudyanteng rider, habang sugatan ang kaniyang angkas, pati na ang driver ng tricycle, at pasahero nito.
“Actually yung tricycle ay nag-signal na mag-turn left kaya lang hindi niya hinintay agad na sa likod niya ay may parating kaya na-sidesweep niya itong parating na motorcycle,” ayon kay Police Col. Perlite Tuayon, chief, Mangaldan Police Station.
Hirap ang pamilya ng estudyante na matanggap ang nangyari sa kaniya.
Galing umano sa eskuwelahan ang estudyante at pauwi na sa Barangay Embarcadero nang mangyari ang sakuna.
“Mas mabuti na yung ama yung nandiyan kaysa anak. Grabe, parang isang iglap lang nawala,” ayon sa nagluluksang ama na si Richard Biagtan.
Ayon sa pulisya, parehong walang lisensiya ang driver ng tricycle at ang rider na nasawi.
Sinampahan ng reklamo ang tricycle driver, na sinisikap pang makuhanan ng pahayag, ayon sa ulat.
Pero sinabi niya sa pulisya na hindi niya alam na may nakasunod sa kaniyang sasakyan.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.