Rider at kaniyang 11-buwang-gulang na anak, patay nang madaganan ng dump truck sa Quezon City

Nasawi ang isang 42-anyos na rider at ang kaniyang 11-buwang-gulang na anak matapos tumaob ang isang dump truck na may kargang buhangin at madaganan ang sinasakyan nilang motorsiklo sa Luzon Avenue, Quezon City, madaling-araw nitong Martes.
Ayon sa ulat ni EJ Gomez ng GMA News sa Super Radyo dzBB, sinabing nangyari ang insidente malapit sa panulukan ng Luzon Avenue at Congressional Avenue sa Barangay Culiat.
Sugatan din ang 31-anyos na asawa ng rider at ina ng bata.
Ayon kay Police Major Jennifer Gannaban, hepe ng Public Information Office ng Quezon City Police District (QCPD), idineklarang patay ang rider dakong 2:23 am, habang binawian naman ng buhay ang sanggol dakong 4:55 am.
Samantala, nananatili sa ospital ang ginang na magtamo ng mga bali sa kaniyang mga binti.
Nasa kustodiya naman ng QCPD ang 29-anyos na driver ng dump truck. Tumanggi siyang magbigay ng pahayag sa GMA News.
Ayon kay Gannaban, hinihinalang nawalan ng preno ang truck na maghahatid ng buhangin mula Pampanga patungong Quezon City.
Nahaharap ang driver sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, physical injuries, and damage to property. —Joviland Rita/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.