Puno ng balete, nabuwal sa kasagsagan ng ulan sa Q.C.; babaeng nakasilong, nasawi

Isang babae ang nasawi, habang dalawa pa ang sugatan matapos silang madaganan ng nabuwal na malaking puno ng balete sa Quezon City sa kasagsagan ng malakas na ulan at hangin nitong Huwebes ng hapon.
Sa ulat ni Ivan Mayrina sa GMA News 24 Oras nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente dakong 3:00 pm sa NIA Road na malapit sa kanto ng EDSA, habang malakas ang ulan na may kasamang malakas na hangin.
Tatlong tao – kabilang ang isang babae—na nakasilong sa puno ang hindi na nagawang makalayo nang mabuwal ang balete, at nadaganan sila.
Batay sa nakuhang identification card sa babaeng biktima, 23-anyos siya na residente ng Caloocan.
Tumagal ng may isang oras bago naalis ang kaniyang katawan mula sa pagkakadagan ng puno. Wala na siyang buhay nang madala sa ospital.
Isang motorcycle rider din ang malubhang nasaktan, habang minor injuries naman ang tinamo ng isa pang biktima.
Ayon sa isang nakaligtas, nakarinig sila ng ingay na nagka-crack kaya nagtakbuhan sila pero inabutan pa rin siya at nabagsakan ng puno.
Nilinis at naalis na ang natumbang puno sa lugar. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.