Impeachment court, ibinaba ang voting threshold para mahatulan si Sara Duterte

Bumoto ang Senate impeachment court nitong Miyerkoles na ibaba ang kinakailangang threshold para mahatulan si Vice President Sara Duterte sa kaniyang impeachment trial.
Ito ang naging pasiya matapos ang paglalahad ng mga argumento ng House prosecution panel at defense team ni Duterte.
Binigyan ang mga partido ng tig-15 minuto.
Nag-ugat ito sa motion for reconsideration ni Senator-judge Erwin Tulfo laban sa ruling ni Presiding Officer Francis "Chiz" Escudero na 24 na senador ang base vote para mahatulan ang isang na-impeach na opisyal.
Nakasaad sa 1987 Constitution na "no person shall be convicted without the concurrence of two-thirds of all the Members of the Senate."
Noong unang bahagi ng Setyembre, inimbitahan ng impeachment court ang mga retiradong Chief Justice ng Korte Suprema na sina Artemio Panganiban, Reynato Puno, at Hilario Davide Jr. at Associate Justice Adolfo Azcuna bilang mga amici curiae o kaibigan ng korte.
Sinabi nina Panganiban, Puno, at Davide na ang voting threshold ay dapat ibatay sa bilang ng mga senator-judge na aktibong lumahok sa impeachment trial.
Gayunman, nag-alok si Azcuna, isa sa mga bumuo ng Konstitusyon ng 1987, ng naiibang pananaw na dapat may kaugnayan sa buong miyembro ng Senado ang kinakailangan sa two-thirds concurrence; kaya naman, kinakailangan ang 16 na senator-judges para sa paghahatol. —KG GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.