Romualdez, hindi kabilang sa project 'proponents' sa P5-B 'kickback deliveries' kay Co, ayon sa saksi ng tagausig

Inihayag ng isang testigo ng kampo ng tagausig na hindi kabilang si dating House Speaker at Leyte Representative Martin Romualdez sa mga proponent, o nagsulong ng mga flood control project na pinagkunan umano ng mga “kickback.”
Nakasaad ito sa testimonya si Engineer Carlo Rivera ng DPWH Bulacan First District Engineering Office sa pagdinig ng Sandiganbayan nitong Martes, kaugnay sa petisyon ni Romualdez na makapagpiyansa.
Nahaharap si Romualdez sa kasong plunder na nagkakahalaga ng P7.4 bilyon kaugnay ng umano’y pagkolekta ng mga kickback mula sa mga anti-flood control project ng gobyerno.
Sinabi ni Rivera sa Third Division ng Sandiganbayan na ang P5 bilyong halaga ng mga commitment fee o kickback na nakolekta niya mula sa mga contractor ay ipinasa niya sa kaniyang hepe noon na si Henry Alcantara, dating pinuno ng DPWH Bulacan First District Engineering Office.
Kalaunan, ipinadala naman umano ang mga ito kay Zaldy Co ng Ako Bicol party-list, na noo’y chairman ng House appropriations committee.
Ayon kay Rivera, ipinamamahagi ni Co ang pondong mula sa mga commitment fee sa mga proponents ng mga flood control project. Kabilang umano rito si Co at ang mga sumusunod:
- Dating Department of Public Works and Highways Undersecretary Roberto Bernardo
- Senator Jinggoy Estrada
- Dating Senator Ramon “Bong” Revilla Jr.
Nang tanungin ng kampo ng depensa ni Romualdez kung makukumpirma niyang hindi kasama si Romualdez sa naturang listahan ng mga proponents ng proyekto, sumang-ayon naman si Rivera.
Gayunman, sinabi rin ni Rivera na si Alcantara ang tumukoy sa mga proponent ng proyekto at ipinasa lamang nito sa kaniya ang naturang impormasyon.
Ayon kay Rivera, ito ang kabuuang halaga ng mga commitment fee na ibinayad ng mga contractor kada taon:
- 2022 — P519 million
- 2023 — P12.93 billion
- 2024 — P14.19 billion
- 2025 — P7.385 billion
Sinabi rin ni Rivera sa anti-graft court na nakapangalan kay Co ang mga commitment fee mula sa mga contractor, at si Co mismo ang kumokontak sa mga contractor para sa mga naturang bayad.
Kabilang sa mga contractor ang mga sumusunod:
- Topnotch Catalyst Builders
- ARL Builders
- Wawao Builders
- IM Construction Corp. and
- SYMS Construction Trading
Ayon kay Rivera, iniatas sa kaniya ni Alcantara ang pangongolekta ng mga commitment fee, na isinagawa mula 2022 hanggang 2025. —FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.