School principal na papunta sa paaralan, patay matapos ratratin sa sasakyan sa Maguindanao del Sur

Nasawi ang isang school principal nitong Miyerkules ng umaga matapos siyang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang salarin habang sakay ng kaniyang minivan sa Barangay Salbu, bayan ng Datu Saudi Ampatuan.
Kinilala ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO BAR) ang biktima na si Dionel Villabito Mahusay, residente ng nasabing barangay, at school principal ng Datu Pendililang Elementary School sa karatig-bayan ng Datu Piang.
Nakatanggap ng tawag ang Datu Saudi Ampatuan Municipal Police Station (MPS) mula sa isang concerned citizen dakong 8:20 am kaugnay sa insidente ng pamamaril sa lugar.
Sa paunang imbestigasyon, palabas na umano ng kaniyang bahay ang biktima at sakay ng kaniyang minivan nang biglang harangin ng mga armadong suspek ang kaniyang daraanan at pagbabarilin siya. Nasa layong 50 metro lamang mula sa kaniyang bahay ang pinangyarihan ng krimen.
Inaalam pa ng mga awtoridad ang motibo sa krimen. Nagsasagawa na ng pursuit operation ang Datu Saudi Ampatuan MPS at pinaigting ang follow-up investigation upang matukoy at maaresto ang mga salarin.
Kinondena ng DepEd
Sa isang pahayag, kinondena ni Department of Education (DepEd) Secretary Sonny Angara ang ginawang pagpatay kay Mahusay.
Nakikiisa rin umano ang DepEd sa komunidad ng mga guro sa Bangsamoro sa pagdadalamhati sa pagkamatay ng punong-guro.
“No educator should lose their life while serving our learners and communities,” saad niya sa pahayag. “Our teachers and school leaders deserve to work in safety and without fear of violence
Mariin ding kinondena ni Atty. Naguib Sinarimbo, miyembro ng parliament at ministro ng Ministry of the Basic, Higher and Technical Education (MBHTE), ang nangyaring krimen.
"We are deeply saddened by the killing of Principal Dionel Villabito Mahusay... It is painful enough to lose a loved one, but to lose someone in such a violent manner is a tragedy no family should ever have to endure," ani Sinarimbo.
Sinabi pa ng opisyal na isang dedicated educator si Mahusay na naglingkod sa mga bata at sa komunidad. Tulad ng iba pang guro sa Bangsamoro, nararapat lamang umano na mamuhay siya at magampanan ang kaniyang mga tungkulin nang walang pangamba sa kaniyang kaligtasan.
Nanawagan ang pamunuan ng MBHTE sa mga awtoridad na magsagawa ng masusing imbestigasyon upang mahuli at mapanagot sa batas ang mga nasa likod ng pamamaril.
"This incident is deeply troubling... We cannot allow violence to become something our teachers and school leaders are expected to live with," sabi ni Sinarimbo na nagpaabot ng pakikiramay sa naulilang pamilya ng punong-guro. — FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.