Tarsier, namataang nakahandusay at patay na sa kalsada sa Calbayog City, Samar
_2026_10_24_23_38_35.jpg)
Ikinabahala ng isang social worker ang nakita niyang isang patay na tarsier sa kalsada dahil umano sa matinding ingay sa Calbayog City, Samar.
Sa “Kuya Kim, Ano Na?” segment sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, mapanonood ang video ng patay na tarsier, na ipinadala ng isang kaibigan sa social worker na si Abicer Lim Doroja.
“Pinasa sa akin ‘yun ng kaibigan kong runner. Nanlambot talaga kami kasi ‘yung tarsier is one of our favorite animals din po. ‘Yung iba nga, pumupunta pa ng Bohol para lang makikita ng tarsier. Tapos malalaman namin dito sa Calbayog na marami pa lang tarsier,” ani Abicer.
Hinala ni Abicer na namatay ang tarsier dahil sa matinding ingay sa lugar.
“Ang tarsiers, naaapektuhan ng ingay ng chainsaw. Sa area kasi at that time, ‘yung unang sinend nila na maraming nagpuputol ng coconut tree or lumber,” sabi ni Abicer.
Ikinabahala pa ni Abicer na hindi ito ang unang beses na may namatang patay na tarsier sa kanilang bayan.
“This year din. During sa morning run nila, may nakita rin po silang mago o tarsier sa same area rin. Patay na rin,” sabi niya.
Dahil dito, nagdesisyon si Abicer na mag-post ng natanggap na picture ng patay na tarsier online.
“‘Yung purpose kasi ng post is mag-raise sana ng awareness, sana maprotektahan din ‘yung tarsier lalo na dito sa Calbayog.”
Ipinaliwanag ni Kuya Kim na “highly sensitive” ang mga tarsier.
Kasama sa kanilang stressors ang matinding liwanag, human contact, at matinding ingay. Maaari itong magdulot ng anxiety sa mga tarsier.
Kapag na-trigger, naudyok ang mga tarsier na saktan ang kanilang sarili.
Para maprotektahan ang isa pa man ding itinuturing “oldest primate sa mundo,” huwag hawakan at istorbohin ang mga tarsier. Huwag din silang hulihin o gawing alagang hayop.
Higit sa lahat, pangalagaan ang kanilang tirahan. Huwag kalbuhin ang mga kagubatan at huwag putulin ang mga punong nagsisilbing kanilang kanlungan. — Jamil Santos/VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.