OPINION: Ask Atty. Gaby: Dating House speaker, may personal assistant sa kulungan?!

Mga Kapuso, nito pong nakaraang linggo, nabunyag na si dating House Speaker Martin Romualdez, may kasamang personal assistant sa kulungan.
Inamin ‘yan ng warden ng Quezon City Jail na si Jail Superintendent Maria Lourdes Pasion sa pagharap niya sa Sandiganbayan.
Setyembre pa raw noong magkaroon ng personal assistant si Romualdez.
Paliwanag niya, pinayagan niya raw ito dahil kailangan ng dagdag na atensyon ng dating House speaker dahil sa isyu nito sa mental health at wala rin daw sapat na jail personnel para alalayan ang kalagayan nito.
Paliwanag ng warden na noon pa man daw, may pinayagan na itong kaanak ng isang person deprived of liberty (PDL) na alalayan ang detainee sa loob ng pasilidad.
Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, itinuturing daw na bisita ang mga assistant at dapat alas-5 ng hapon ay nakaalis na ang mga ito.
Samantala, wala raw kaalam-alam ang mga abogado ni Romualdez.
Pag-usapan natin ‘yan! Ask me, ask Atty. Gaby!
Atty., diretsahan na po, ano ba ang sinasabi ng batas tungkol dito? Puwede nga bang mag-request ng personal aide kung may medical issue ang isang PDL? At kung may iregularidad, ano ang parusa?
Medyo nakakagulat talaga ang pangyayaring ito dahil hindi naman standard na may mga personal assistant ang mga persons natin na deprived of liberty, hindi po ba?
At hindi lamang 9-5 ang assistant. Mukhang 24/7, rock around the clock, jailhouse rock ang personal assistant na ito.
Paano na lamang kung ang lahat ng nagsabing kailangan nila ng personal assistant ay pinayagan? Sobrang mapupuno na talaga ang mga jail at detention center natin, not to mention na parang malaking security risk ang mangyayari kung dodoble ang dami ng tao sa piitan at baka magkakakuntsaba pa sila para sa ilang gawain.
But that's getting ahead nang masyado sa issue at kuwento natin for today.
So ano nga ba ang sinasabi ng batas ukol dito? Tila wala namang specific na batas ukol dito except sa pagbigay ng awtoridad sa mga warden na mamahala sa mga detention center at jail na nasa ilalim ng jurisdiction nila.
But even under the BJMP regulations at ng BJMP Comprehensive Operations Manual, mukhang medyo malabo ang nangyayari dito, dahil very specific ang mga rules and regulations ukol sa mga karapatan at benepisyo ng mga detainee at kasali na dito ang mga sumusunod:
- Maaari silang tumanggap ng mga bisita during authorized visiting hours. Ibig sabihin, hanggang 5 lamang ng hapon;
- Maaari silang tumanggap ng mga libro, sulat, mga magazine;
- Maaari silang magpagamot sa kanilang mga doktor at nurse or magpagamot sa government or private hospital kung kinakailangan;
- Maaari silang tumanggap ng approved food at personal items; at
- Puwede rin silang humingi ng free legal aid, kung kinakailangan.
Mayroong ding probisyon sa BJMP regulations na nagpapahintulot sa isang detainee na may special medical condition na magkaroon ng kinakailangang medical assistance, pero may malinaw na limitasyon kung paano ito dapat gawin.
Nakasaad sa supplemental guidelines para sa BJMP-manned jails na kung ang isang PDL ay may special medical condition na nangangailangan ng tuloy-tuloy o 24-hour medical attention, maaaring payagan ang isang private nurse o medical doctor na magbigay ng kinakailangang serbisyo.
Pero, may tatlong mahalagang kondisyon:
Una, kailangang may certification mula sa BJMP physician na ang PDL ay may special medical condition.
Ikalawa, kailangang nangangailangan talaga ang kanyang kondisyon ng continuing o round-the-clock na medical services.
Ikatlo, ang private nurse o medical doctor ay maaari lamang manatili sa loob ng jail infirmary, under close supervision of jail personnel.
Dagdag pa rito, malinaw ang memorandum na ang PDL ay dapat ibalik agad sa kanyang selda pagkatapos ng treatment o medical care.
Sa kaso ni dating House speaker Martin Romualdez, ang taong pinayagang manatili sa loob ng kanyang selda ay isang ordinaryong personal assistant at hindi isang licensed private nurse o medical doctor.
Hindi sinasabi ng nasabing mga regulasyon na maaaring magtalaga ang isang warden ng kahit sinong personal aide para magbigay ng 24-hour assistance sa isang PDL.
Ang pinapayagan lamang ng probisyon ay private nurse o medical doctor, subject to the conditions na nabanggit na natin.
Maaari bang maaksyonan ang warden na pumayag sa medyo maanomalyang pagtatalaga ng personal assistant kay dating speaker Romualdez?
Well, sa ngayon ay pinapaimbestiga na nga ni Secretary Jonvic Remulla at kung hindi makapagbigay ng sapat na explanation si warden, maaaring maharap sa mga administrative na kaso ito. Maaaring maturingan na grave misconduct ito, neglect of duty o di kaya ay conduct prejudicial to the service.
Alam naman natin na ang BJMP ay nasa ilalim ng DILG.
'Yung pagbibigay ng preferential treatment, kahit na walang kapalit, ay maaaring violation din ng kanyang mga duty bilang isang jail official.
Sa ilalim ng RA 6770, sinasabi na may kapangyarihan din ang Ombudsman na mag-imbestiga at magpatupad ng disciplinary action laban sa mga public officer na mapapatunayang nagkasala.
Hindi magandang halimbawa ang ibinibigay na ganitong uri ng special treatment — kung ito nga ay special treatment na maituturing.
Sana ay matapos na ang imbestigasyon at magkaroon ng transparency sa kung ano ang susunod na kabanata dahil ang iniintay ng mga tao ay ang pag-asa ng pantay-pantay na pagtrato sa lahat at wala dapat na kinikilingan o pinapaboran.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.