2, patay sa salpukan ng bus at van sa Tumauini, Isabela
Nasawi ang driver at pasahero ng isang van matapos na masalpok ng bus ang kanilang sasakyan sa Tumauini, Isabela.
Sa ulat ni Jewel Fernandez sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Biyernes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng pulisya na binabaybay ng bus na biyaheng Maynila ang bahagi ng national road nang nag-overtake ito sa isang sasakyan.
Pero hindi umano nito napansin ang kasalubong na van na nasa kabilang linya na dahilan ng kanilang salpukan.
Nasawi ang driver at isa pang sakay ng van, habang nakaligtas naman ang mga sakay ng bus na nagtamo rin ng matinding pinsala sa harapan.
Ayon sa ulat, nagkaroon na ng pag-uusap ang mga sangkot sa insidente, at hindi na sila nagbigay ng pahayag. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.
