Bangkay ng 18-anyos na babae na natatakpan ng mga dahon ng saging, nakita sa Palo, Leyte
Patay na nang matagpuan ang 18-anyos na babae na unang iniulat ng kaniyang mga kaanak na nawawala sa Palo, Leyte. Natatakpan ng mga dahon ng saging ang bangkay ng biktima nang makita sa gilid ng daan.
Sa ulat ng GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Biyernes, sinabing nakita ang bangkay ng biktima sa Sitio Camasihay sa Barangay Gacao dakong 6:00 am nitong Huwebes.
Positibong kinilala ang mga kaanak na ang bangkay ng biktima na huling nakita noong Nobyembre 24 na mayroon umanong pupuntahan. Pero mula noon, hindi na nila ito nakontak.
Ayon kay Police Lieutenant Mary Antonette Espino, PIO ng Leyte Provincial Office, may foul play sa nangyari sa biktima dahil nakitaan ito ng sugat sa katawan.
“Hindi pa nagbibigay ng official result ang SOCO (Scene of the Crime Operative), hindi pa tayo makapagbigay ng detalye tungkol sa natamong mga sugat ng biktima,” dagdag ni Espino. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.
