[Tambay] Tiis-ganda muna tayo para sa mga bisita ng ASEAN Summit
Masusubok ang pinagmamalaki nating Filipino hospitality ngayong linggong ito. Sabi ng Tito feels ng inyong friendly neighborhood tambay “best foot forward” tayo, tiis-ganda muna ika nga, dahil ang daming bigating bisita na mga world leader ngayong ginaganap dito sa atin ang ASEAN Summit.
Dahil sa extra-long holiday na idineklara para mabawasan magkaaberya habang ginaganap ang taunang pulong ng mga pinuno sa Timog-Silangang Asya at iba pang bigating lider, maraming taga-Maynila ang “lumayas” muna para magbakasyon. Mga tulad kong kapos sa badyet o panggastos ang naiwan sa siyudad. Kaya kami ang balagoong humarap sa mga bisita at iparamdam sa kanila ang Pinoy-style ng magiliw na pagtanggap.
Asahan ang trapik sa mga lugar na malapit sa pagdarausan. Isantabi muna ang road rage. Huwag mang-trigger. Kung kukulo ang dugo at feeling maninigaw o magmumura, hingang malalim muna at magbilang kahit hanggang isang daan.
Sa madaling salita, maging mahinahon sa mga aksyon. Magpaka-banayad sa mga kilos, huwag padalos-dalos. Ipakita natin ang tunay na mukha ng Pinoy.
Bukod sa 10 líder ng mga bansang kapwa-kasapi ng Pilipinas sa ASEAN, papasyal din dito sina US President Donald Trump, Canadian Prime Minister Mark Carney, Brazilian President Lula da Silva, Australian Prime Minister Anthony Albanese, Chinese Premier Li Qiang, Indian Prime Minister Narendra Modi, Japan Prime Minister Takaichi Sanae, New Zealand Prime Minister Christopher Luxon, Korean President Lee Jae-myung, at United Nations Secretary General Antonio Guterres.
Narinig ko sa radyo na may nagrali na mga estudyánte. Naalala ko tuloy yung panahong aktibista pa ang tambay na ito. Ganyang ganyan din ang pinagkaka-abalahan ko noong araw. Pero ngayong lolo feels na — kayong mga bata ang bahala diyan. Taas energy lang, pero huwag mananakit. Respeto sa kapwa pa rin ang paiiralin.
* * *
Sa isang banda, nagkaroon ako ng patikim ng Asian engagement noong nakaraang linggo.
Pinalad ang inyong friendly neighborhood tambay na makadalo sa isang conference ng mga journalist mula sa iba’t ibang bansa sa Asya. Ang ika-30 anibersaryo ng Konrad Adenauer Stiftung’s Media Programme Asia (KASMPA) ay ginanap sa Chiang Mai, Thailand. Dating fellow ang tambay na ito ng KASMPA sa Asian Center for Journalism at Ateneo (ACFJ). May 150 na mga journalist sa 18 bansa ang nagtípon sa Thailand mula November 4-8.
Naroon din ang mga kinatawan ng grupong Asia News Network. Noong panahon ko sa Inquirer, nakailang beses din akong naatasang dumalo sa mga pulong ng ANN.
Kasama sa matutunog na paksa sa KASMPA ay hagupit ng tinatawag nating sa Pinas sa Super El Niño.
Kapansín-pansín ang pagkabagábag ng mga diyarista sa India sa El Niño phenomenon. Maraming dumalong peryodísta mula sa India at idagdag mo pa ang mga kalapit bansa nito. Ilang beses kong narinig sa mga usapan ang El Niño. Bilang Pinoy mapapansin mo ang pagbigkas nila dahil hindi nila masabi ang letrang “ñ” kaya ang tawag nila dito ay El Nino.
Tanong ko sa aking sarili: Bakit labis ang pagkabahalà ng Asian superpower na India, na isang rice-exporting nation, sa maaaring salpok ng tinatawag nating Super El Niño? Isa ang India sa mga bansang pinag-aangkatan ng Pilipinas ng bigas.
Habang mainítan ang usapan sa forum sa Thailand, lumipad ang isip ko at bumalik sa Pilipinas. Bukod sa payo na magkanya-kanyang bili ng balde, may iba pa bang ginagawang paghahanda ang gobyerno ng Pinas? Sapát na kaya ang mga plano nila? Ilang timba ba ang kailangan ko sa bahay?
Food security ng Asya ay maaapektuhan. Kung dahil sa El Niño sasadsad ang ani ng palay sa India, apektado din tayo dito sa Pilipinas. Nakasandal tayo sa produksiyon ng bigas ng ibang bansa. At lahat, as in LAHAT, ng bansang nag-aangkat ng bigas ay makadadanas ng parusa ng El Niño. Kasama na diyan ang mga kapwa kasapi natin sa ASEAN na mga rice exporters na Thailand, Vietnam, at Laos. Umaangkat din tayo sa kanila ng bigas.
* * *
Tulad ng inaasahan, napadpad din ang mga napag-usapan sa conference ng mga journalist ng Asya sa sitwasyon sa South China Sea.
Maraming peryodistang Filipino sa conference na iyon, naka lalamang ang bilang ng mga kababayan natin higít sa mga taga-Tsina. At maiintindihan mo yan, dahil ang media program ng KAS ay nakabaon sa prinsipyo ng malayang pamamahayag.
Nakahulma sa isipan ng mga nakapagtapos sa media program ng KAS na tungkulin ng bawat mamamahayag ang magbigay makabuluhang impormasyon na makatutulong sa pagpapasiya ng mga mamamayan.
Iyan ang dahilan kung bakit maraming talakayan sa conference ang umikot sa pakikialam ng kani-kanilang gobyerno sa malayang pamamahayag.
(Maisingit lang: Nandoon din sa Thailand sa sesyon ng mga journalist ang kasapi ng editorial board ng China Daily, ang state media ng Tsina na naglarawan sa isang animation na unggoy ang mga Filipino.)
Bumalik sa alaala ko ang paksa ukol sa Tsina habang nanonood nung Huwebes ng Day 43 ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. Nagtanong kasi si Senador Robin Padilla: “Bakit po issue yung pagpunta sa China… Kasi po nakailang beses na po ako nakapunta sa China.” Tanong ni Padilla ang prosekusyon.
Sabi nga ni Representative Terry Ridon, wala namang problema sa biyáhe papuntang Tsina. Pero kung talagang nakikinig si Padilla, mapapansin niya ang pag-iwas sumagot ng mga witness. Wala namang mali sa China trip, pero bakit tila pinagtatakpan at ayaw maaalala ng witness?
Nagtataka din ang tambay na ito, bakit tila “destination of choice” ng mga kawaní ng Davao City ang China. May promo ba para sa kanila? Aaminin ng tambay na ito na totoo namang magandang pasyalan ang Tsina.
Saka alam naman nating lahat ang pagkíling ng pamilya Duterte sa Tsina. Nagsimula iyan nung pumihit si dating Pangulong Rodrigo Duterte pabor sa Tsina sa mga isyu nito kontra sa Estados Unidos. Mula noon, kung susundan natin ang mga statement at maging ang pananahimik ni VP Sara sa West Philippine Sea, lumalabas na kontrabída pa ang Pilipinas.
Noong minsan naisulat ko na “close” at bilib na bilib si Sen Robin sa pagiging gentleman ng Chinese ambassador. Ngayon, naintindihan ko na kung bakit. Sabi nga ng senador, nakailang beses na siya nakapunta sa Tsina.
To be fair, nakadalaw na rin si Sen Robin sa Pag-asa Islands sa West Philippine Sea. Pero, baka naman hindi ako nakababasa o nakapapanood, ang pagkampi niya sa mga taga-Philippine Coast Guard na nasasampolan ng katapat nila sa China coast guard at mga barkong para-military.
Di ba dapat, Sen Robin, ang mga bata natin sa Philippine Coast Guard ang bida sa bangayan nila sa Tsina sa West Philippine Sea? Iba po yata ang script na sinusundan ninyo? – Rappler.com
Si Chito de la Vega ay Tambay ng Rappler dalawang beses kada buwan. Kasama rin siya sa mga anchor-host ng programang Balita Kwento Serbisyo ng DZME 1530.
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.