Lisensiya ng driver na nakaharang umano sa pedestrian lane, sinuspinde ng LTO

Naglabas ng Show Cause Order (SCO) ang Land Transportation Office (LTO) laban sa driver ng sasakyan na huminto at humarang umano sa pedestrian lane sa Makati. Ang lisensiya niya, sinuspinde rin.
Sa inilabas na pahayag ni LTO Chief, Assistant Secretary Markus Lacanilao nitong Biyernes, nakasaad na inilabas ang SCO matapos makita ang video post sa social media sa ginawang pagharang ng nasabing motorista sa taong tumatawid sa mismong pedestrian lane.
“Ipinakita rin sa video na napilitang dumaan sa ibang bahagi ng kalsada ang iba pang mga pedestrian dahil sa pagkakaharang ng sasakyan sa nakatalagang tawiran,” ayon pa sa pahayag.
Kaagad umanong iniutos ni Lacanilao na alamin ang pagkakakilanlan ng driver at ang rehistradong may-ari ng sasakyan upang mapadalhan ng kaukulang SCO.
Inaatasang humarap ang mga sangkot sa tanggapan ng Intelligence and Investigation Division (IID) ng LTO Central Office sa Oktubre 20, 2026, upang magsumite ng kani-kanilang sinumpaang salaysay, maipaliwanag ang kanilang panig, at magharap ng mga dokumentong kaugnay sa gagawing imbestigasyon.
Ayon sa pahayag, nahaharap ang driver sa posibleng paglabag sa Right of Way dahil sa pagharang nito sa tamang tawiran ng mga tao.
“Kung mapatutunayan ang mga paglabag matapos ang kaukulang proseso, maaari din siyang ideklarang Improper Person to Operate a Motor Vehicle, na maaaring magresulta sa suspensyon o pagbawi ng kanyang lisensya, alinsunod sa umiiral na batas at mga regulasyon,” patuloy pa sa pahayag.
Habang iniimbestigahan, suspendido na ng 90 araw ang lisensiya ng motorista at isinailalim sa alarm status ang naturang sasakyan.
“Ang pedestrian lane ay para sa tao, hindi paradahan ng sasakyan. Walang puwang sa kalsada ang mga motoristang inuuna ang sariling kaginhawaan kaysa kaligtasan ng kapwa. Igagalang ang tawiran, at pananagutin ng LTO ang mga lalabag,” pahayag ni Lacanialo. –FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.