Babae, patay matapos pagbabarilin pagkababa sa jeepney sa Cebu City

Isang babaeng pharmacy attendant ang nasawi matapos siyang pagbabarilin ng isang lalaking sakay ng motorsiklo sa Cebu City. Ang biktima, kabababa lang sa pampasaherong jeepney nang malapitang pagbabarilin ng nakatakas na salarin.
Sa ulat ni Alan Domingo sa GMA Regional TV Balitang Bisdak nitong Martes, sinabing nangyari ang krimen sa V. Rama Avenue, sa Barangay Calamba kaninang umaga.
Batay sa imbestigasyon, galing sa kaniyang bahay at papasok na sa trabaho ang 42-anyos na biktima at tila inabangan ng salarin.
Sa kuha ng CCTV camera, makikita na pagbaba ng biktima mula sa jeepney, dumating ang salarin na nakamotorsiklo mula sa kabilang direksyon ng kalsada, at nag-U-turn para lapitan ang babae.
Bumaba ng motorsiklo ang salarin at agad na pinagbabaril ang biktima na tinangkang hawiin ang baril ng salarin.
Natumba sa gilid ng daan ang biktima na nagtamo ng tama ng bala sa ulo at leeg. Kaagad naman sumakay sa motorsiklo ang salarin at umalis.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa motibo sa krimen, kasabay ng pagtugis sa salarin. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.