Taxi driver na may itak sa sasakyan, tinangkang tagain ang nakaaway na motorcycle rider

Nahuli-cam ang tangkang pananaga ang isang taxi driver sa nakaaway niyang motorcycle rider sa Iloilo City.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa cellphone video ang pagwasiwas ng driver sa hawak niyang itak sa bintana sa passenger side, kahit may katabi siyang pasahero.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagtalo ang taxi driver at ang rider matapos mag-cut ang motorsiklo.
Nagka-aregluhan naman umano ang dalawang motorista kalaunan.
Gayunman, pinagpapaliwanag pa rin ng Land Transportation Office Region 6 ang taxi driver at kaniyang operator dahil sa nangyari.
Sinabi ng kompanya ng taxi na iniimbestigahan nila ang nangyari at dedesisyunan kung sususpindehin o tatanggalin ang driver. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.