Australian na may Interpol Red Notice dahil sa large-scale estafa sa India, nadakip sa Taguig

Dinakip ng mga awtoridad sa Taguig ang isang 52-anyos na Australian na may Interpol Red Notice dahil sa kaniyang large-scale estafa sa India. Ang kaniyang mga bodyguard, hinuli rin kabilang ang isang retiradong sundalo at dalawang motorcycle escorts na tauhan ng Metro Manila Development Authority.
Sa ulat ni John Consulta sa GMA News Unang Balita nitong Biyernes, mapanonood sa surveillance video ng mga nakasunod na operatiba sa Taguig City ang convoy ng dalawang SUV habang may dalawang motorcycle escorts o hagad sa unahan.
Kalaunan, isang dayuhan ang bumaba at binantayan ng pitong nakabarong na bodyguards.
Dinakip sila ng pinagsanib na puwersa na mga tauhan ng Bureau of Immigration - Fugitive Search Unit (BI - FSU) at Philippine National Police (PNP). Nakuha sa mga bodyguard ng dayuhan ang tatlong baril.
Sinabi ng BIFSU na wanted ang Australyano sa India dahil sa reklamong criminal conspiracy, na kagaya ng large-scale estafa dito sa Pilipinas.
Dina-divert umano ng Australian ang pondo ng isang kooperatiba sa India at tinangay ang mahigit P1.6 billion.
“Matagal nang permanent resident dito sa atin. At sinasabi rin na 'yung kaso niya sa India ay lumabas lamang nitong Marso, nitong taong ito. Kaya agad nagpadala ng request sa atin ang Interpol upang siya ay hulihin. Kumita siya ng mahigit kumulang $27 million sa pamamagitan ng pag-forge ng mga pekeng dokumento at pagkuha ng mga kontrata,” sabi ni Rendel Sy, Chief ng BI Fugitive Search Unit.
Sinabi ng mga awtoridad na sa pitong bodyguard na dinakip, isa ang retiradong sundalo ng Philippine Army, habang tatlo sa kanila ang mga aktibong tauhan ng MMDA.
Nagsisilbing driver ng mga hagad ang dalawa sa kanila.
“Napag-alaman nga natin na itong mga protective agents niya ay walang kaukulang permits at napag-alaman din natin through coordination with MMDA na ang tatlo dito ay empleyado nila,” sabi ni Sy.
Batay sa impormasyon ng mga awtoridad, taong 2013 pa gumagamit ng hagad at bodyguards ang dayuhan sa tuwing nasa bansa.
Dahil sa kaniyang kaso, mare-revoke ang kaniyang permanent resident visa, ayon sa BI.
I-impound ng Land Transportation Office ang dalawang motorsiklong minamaneho ng dalawang MMDA personnel dahil sa mga hindi awtorisadong blinkers, wang-wang at pekeng plaka.
“Kung mapapansin niyo, halos pareho 'yung MV file number, mali lang sa isang digit. Imposible pong mangyari ‘yun. Kaya nu’ng pag-verify namin, peke itong dalawang ito. So wala siyang record. Hindi siya talaga MV file ng isang motorsiklo,” sabi ni Asec. Marcus Lacanilao, Chief ng LTO.
Sinabi ni MMDA Chairman Atty. Rolando Artes, gumugulong na ang kanilang investigation at hindi kukunsintihin ng MMDA ang maling gawain. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.