Marcos, pinawi ang pangamba sa paghina ng halaga ng piso: 'Don't panic'

Pinawi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Miyerkules ang pangamba ng publiko sa patuloy na paghina ng piso na umabot na sa P64 kada isang dolyar ng Amerika.
“Well, first of all, do not take it with alarm. Don't panic,” sabi ni Marcos sa isang ambush interview sa New Bilibid Prison sa Muntinlupa City, sa paggunita sa ika-32 National Correctional Consciousness Week.
Ayon sa Pangulo, ginagawa ng kaniyang administrasyon ang lahat upang idepensa ang halaga ng piso.
“People can take solace in the fact that our policy towards the peso is to continue to defend the peso as hard as we possibly can. We have all the tools to defend the peso. We have all the means to defend the peso,” ayon sa pangulo.
“And with that in mind, we will continue to do all that we can to make sure that the value of the peso does not continue to go down, especially relative to the dollar. The dollar is also becoming very strong. But nevertheless, we have the means, as I say,” dagdag niya.
Bumagsak ang halaga ng piso sa intraday low na P64.18 kada US dollar, na mas mababa sa dating record low na P64.17 kada US dollar na naitala sa pagsasara ng kalakalan nitong Martes.
Nangyari ang paghina ng piso sa gitna ng patuloy na pagsirit ng presyo ng krudo sa pandaigdigang merkado dahil sa krisis sa Gitnang Silangan.
Iniuugnay rin ni Marcos ang paghina ng piso sa pagtaas ng presyo ng langis at mga produktong petrolyo.
Gayunman, tiniyak ng Pangulo sa publiko na nananatiling nasa maayos na kalagayan ang foreign exchange reserves ng bansa.
“Diyan tayo kumukuha para i-defend ‘yung peso. So we will continue to defend the peso,” pagtiyak niya.
Nangako rin ang Pangulo na tutugunan ng pamahalaan ang inaasahang pagtaas ng presyo ng mga pagkain at bilihin.
“The inflation is coming from the supply side. It's a supply-side inflation. So monetary measures can only go so far. We have to do other ways,” saad niya.
“Oil, we can do nothing about. Food, we can. And we are doing, again, everything that we can to make sure that the prices of food come down,” dagdag niya.
Ayon kay Rizal Commercial Banking Corp. chief economist Michael Ricafort, maaaring magresulta ang paghina ng piso sa mas mataas na gastos ng bansa sa pag-aangkat ng langis. Maaari din nitong palakihin ang trade deficit o agwat sa pagitan ng halaga ng iniluluwas at inaangkat ng bansa, ang current account deficit, at ang balance of payments (BOP) deficit. —FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.