Kambal na 2 beses umanong ibinenta, nasagip sa Pampanga

Nasagip ng mga awtoridad sa Pampanga ang kambal na sanggol na dalawang beses ibinenta ng sarili nilang ina.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabi ng pulisya na Agosto nang isumbong ng lola ng kambal na nawawala ang kaniyang mga apo na walong-buwang-gulang.
Nang magsagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad, lumitaw na ang mismong ina ng kambal ang nagbenta sa mga sanggol sa halagang P27,000.
Nitong nakaraang Oktubre 21, napag-alaman na nasa Baler, Aurora ang kambal. Pero wala na sila sa lugar nang puntahan ng mga pulis.
Lumitaw na naibenta muli ang kambal sa Candaba, Pampanga sa halagang P30,000, at nailigtas sila nitong nakaraang Linggo ng mga pulis mula sa Southern Police District.
Nasa pangangalaga ngayon ng Taguig City Social Welfare and Development Office ang kambal.
Mahaharap sa kaukulang reklamo ang bumili sa kambal, pati na ang kanilang ina.
Nagbabala ang Council for the Welfare of Children na mabigat ang parusang naghihintay sa mga nagbebenta ng bata.
“Maraming purpose na masasama ang pagbebenta ng bata. May mga bata pong ibinebenta for the purposes of child labor… child exploitation, for slavery, may for purposes of organ-harvesting. There are bad things that can happen with children if we do not follow the law,” ayon kay CWC Usec. Angelo Tapales. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.