Pulis na nagbebenta ng alahas kasama ang isang negosyante, hinoldap umano ng mga 'kabaro' sa Caloocan

Isang pulis na nagbebenta rin ng alahas at kasama ang isang negosyante ang hinoldap at pinagnakawan umano ng mga kapuwa niya pulis sa Caloocan City. Kabilang sa natangay ang isang bracelet na P700,000 ang halaga.
Sa ulat ni Pamela Adriano sa Super Radyo DZBB, sinabi ni PNP spokesperson Police Brigadier General Allen Rae Co, na lumabas sa imbestigasyon na magbebenta ng gold bracelet ang biktimang pulis na isang Patrolman, kasama ang isang negosyante.
Nagkasundo ang mga biktima na makipagkita sa nagpakilalang buyer. Pero bigla umanong binago ang lugar kung saan sila magtatagpo.
Hanggang sa papuntahin ang dalawa sa isang lugar sa Caloocan sakay ng isang motorsiklo. Pero pagdating sa lugar, isa-isang naglabasan ang mga armadong lalaki at tinutukan ng baril ang dalawa.
Kinuha ng mga armadong lalaki ang kanilang mga gamit saka isinakay sa sasakyan at ibinaba sa bahagi ng Diliman sa Quezon City.
Tinangay mula sa mga biktima ang isang gold bracelet na nagkakahalaga ng P700,000, motorsiklo, tatlong cellphone at baril na .9 mm.
Sinabi ni Co na inaresto na ang isang aktibong pulis samantalang pinaghahanap ang iba pang suspek, kasama ang anim pang PNP personnel. Dalawa umano rito ay opisyal at non-commissioned officers ang iba, isang sibilyan at dalawang hindi matukoy ang pagkakakilanlan.
Sinabi ni Co na umamin ang naarestong pulis sa kaniyang ginawang krimen. Samantalang naharap na dati sa kasong administratibo ang ilan sa mga suspek na pulis.
Ipinag-utos na umano ng PNP ang summary dismissal sa anim na pulis.
Pulis, hinoldap at ninakawan ng mga kapwa pulis sa Caloocan City, ayon sa @pnppio. | via @PamelaAdriano https://t.co/9NBa9OhEDz
— DZBB Super Radyo (@dzbb) November 18, 2026
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.