Rider at angkas niya, patay matapos nilang makabanggaan ang isang kolong-kolong sa Pangasinan

Dalawa ang nasawi, at tatlo ang sugatan sa banggaan ng isang motorsiklo at isang kolong-kolong [isang uri ng tricycle] sa Asingan, Pangasinan.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing lumabas sa imbestigasyon ng awtoridad na nangyari ang insidente sa bahagi ng Barangay Dumampot noong Linggo.
Binabagtas umano ng motorsiklo ang kalsada papuntang bayan ng Asingan habang papunta naman sa Urdaneta ang kolong-kolong.
Ngunit bigla umanong napunta ang motorsiklo sa linya ng kolong-kolong at nangyari ang banggaan.
Sa lakas ng banggaan, nasawi ang dalawang sakay ng motoriklo, at nasugatan ang tatlong sakay ng kolong-kolong na pawang dinala sa ospital.
Ayon sa pulisya, nagkaroon na umano ng pag-uusap ang magkabilang partido.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang mga kaanak ng nasawi at mga sugatang biktima, saad sa ulat.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.