Babae at binatilyong nag-aabang ng jeep, patay nang barilin nang malapitan sa Quirino Highway
_2026_09_24_14_05_05.jpg)
Dead on the spot ang isang 41-anyos na babae at 15-anyos na lalaki na nag-aabang ng jeep matapos silang barilin nang malapitan sa Quirino Highway, Caloocan City.
Sa ulat ni James Agustin sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay 181 pasado 7:30 p.m. nitong Lunes.
Bumagal ang takbo ng mga sasakyan sa lugar matapos humandusay sa harapan ng isang van ang dalawang biktima.
“Nag-a-assist po kami, pumunta kami doon. Nakita po namin, nakabulagta na po sa may Quirino Avenue ‘yung dalawa at nakatakip na po ng karton. Ang babae po, residente po rito sa Barangay 181. ‘Yung lalaki po, hindi ko po alam kung residente,” sabi ni Romeo Indelible, Deputy BPSO ng Barangay 181.
Tumanggi munang magbigay ng panayam ang Caloocan Police habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Lumalabas na naghihintay ng masasakyang jeep papuntang Malaria ang mga biktima.
Hanggang sa isang gunman ang lumapit at ilang ulit na pinaputukan ang babae tsaka isinunod ang lalaki.
Nakaburol na ang babaeng biktima sa Novaliches, habang hindi muna nagbigay ng pahayag ang kaniyang mga kaanak.
Kasalukuyan namang hinihintay ang pagdating ng mga kaanak ng lalaking biktima mula sa probinsya.
Wala pang linaw sa motibo sa krimen, habang nangangalap ng mga karagdagang detalye ang pulisya para matukoy ang pagkakilanlan ng gunman. — Jamil Santos/VBL GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.