Babaeng angkas ng motor, patay matapos magulungan ng jeep na bumangga sa kanila sa Cainta

Patay ang isang 35-anyos na babaeng angkas ng motorsiklo matapos pumailalim, magulungan, at makaladkad ng bumanggang jeep na nawalan umano ng preno sa Cainta, Rizal nitong Linggo ng gabi.
Sa kuha ng CCTV, makikitang tinatahak ng isang motorsiklo ang Ortigas Avenue Extension sa Barangay San Isidro bago mag-alas siyete ng gabi nitong Linggo. Kasunod nito ang isang jeep na lumipat ng lane.
Nasalpok ng jeep ang motorsiklo sa pedestrian lane. Tumilapon sa kalsada ang motorcycle rider.
Agad tumayo, hinabol at pinalo pa ng rider ang jeep dahil ang angkas pala niya, pumailalim at nakaladkad pa ng jeep.
Pahirapan ang pag-angat sa jeep para kunin ang biktima. Kumalso pa sa unahang gulong ng jeep ang helmet ng biktima.
“Pinagtulungan po ng mga kapulisan natin at mga taong-bayan saka MDRRMO (Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office) na iangat po 'yung jeep para mailabas po natin 'yung biktima na naipit po du'n sa ilalim ng jeep. Medyo napuruhan 'yung kaniyang tiyan at unconscious na po siya," sabi ni Police Lieutenant Julius Ortega, chief of administration and operation ng Cainta Police.
Isinugod sa ospital ang babaeng biktima pero idineklara siyang dead on arrival.
Namaga naman ang kanang palad ng 36-anyos na rider na kapatid ng nasawing biktima.
Aniya, galing silang Quezon Province at pauwi na sana sa Pasay City nang mangyari ang insidente.
“Naka-red light po, eh 'di tumigil na po kami du'n sa may tawidan po ng tao. Tapos pagtigil po namin du'n, bigla pong may dumating na mabilis na jeep. Kaya tumalbog po kami nang malayo saka 'yung kapatid ko," kuwento ng rider ng binanggang motorsiklo.
Nayupi ang kaliwang side mirror at nasira ang likurang bahagi ng motorsiklo.
“Sobrang sakit kasi sobra-sobra naming mahal 'yung kapatid namin kasi siya na lang 'yung natulong sa amin, ma’am. Siya 'yung may trabaho kaya lahat ng kapatid namin sobrang nalulungkot, nasasaktan sa nangyari," saad ng rider.
Inaresto ng pulisya ang 73-anyos na driver ng jeep na nawalan umano ng preno.
"Hindi po niya napansin na may motor na huminto. Nawalan daw siya ng preno noong oras na 'yon," sabi ni Ortega.
“Nasa unahan siya, ma’am. Bigla siyang huminto. Ako, tumatakbo. Pagpreno ko, inabot siya. Pasensiya na, sorry na, 'di ko naman sinasadya. Aksidente 'yan," pahayag ng driver ng jeep.
Sasampahan ang driver ng jeep ng reklamong reckless imprudence resulting in homicide, physical injury, and damage to property. —KG GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.