The Daily Newsstand · Free, Always
Friday, October 30, 2026

Fil-Italian na pumatay sa kaniyang kolehiyalang ex-gf sa Rome, habambuhay na makukulong

Translate

Hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang 24-anyos na Filipino-Italian na pumatay sa kaniyang 22-anyos na ex-girlfriend sa Rome, Italy. Ang bangkay ng biktima, nakitang nakasiksik sa maleta sa isang bangin noong Abril 2025.

Nitong nakaraang Martes, naglabas ng hatol ang korte sa Roma na guilty ang akusado na si Mark Antony Samson, at hinatulan siyang makulong ng habambuhay dahil sa pagpatay sa biktimang si Ilaria Sula, na mula sa Albania.

Kinatigan ng korte ang kahilingan ng kampo ng tagausig na patawan si Samson ng parusang habambuhay na pagkabilanggo. Kabilang sa mga nagpabigat sa krimen ang ginawang pagpaplano ng akusado sa krimen, mababaw na motibo, ang pagiging magkarelasyon nila dati, at pagtatago sa. bangkay ng biktima.

Pinatay si Sula noong Marso 26, 2025 sa pamamagitan ng pagsaksak na naganap sa tinitirhang apartment ni Samson sa Rome, kasama ang kaniyang pamilya.

Pagkatapos saksakin at mapatay, lumabas sa imbestigasyon ng mga awtoridad na inilagay ang bangkay ng biktima sa maleta at iniwan sa bangin, na 40 kilometro ang layo mula sa Rome.

Nadiskubre ang bangkay ng biktima noong April 2, 2025, kasunod nang isinagawang paghahanap sa kolehiya nang i-report na nawawala ito.

Umamin kinalaunan sa imbestigasyon si Samson sa ginawang krimen. Inilahad ng akusado sa mga imbestigador na binisita siya ni Sula noong Marso 25 upang isauli ang ilan sa kaniyang mga gamit at nagpalipas ng gabi sa kaniyang apartment.

Ayon pa kay Samson, nangyari ang krimen kinabukasan ng umaga. Gayunman, iginiit ng tagausig na planado ang ginawa niyang pagpatay.

Nalaman din ng mga imbestigador na sinubukan ni Samson na iligaw ang mga awtoridad matapos ang krimen.

Iniulat na ginamit niya ang cellphone ng biktima upang magpadala ng mga mensahe at mag-post sa social media para palabasing buhay pa ito. Iniulat din na binura niya ang mga social media account ni Sula.

Nagtungo rin umano si Samson sa boarding house na tinitirhan ni Sula at nagpanggap na nag-aalala sa pagkawala nito. Tinanong pa niya kung saan maaaring matagpuan ang dalaga.

Samantala, nakita naman sa apartment ni Samson, sa kuwarto ng kaniyang mga magulang, ang cellphone ni Sula.

Pinatawan ng parusa ng korte ang ina ni Samson ng dalawang taong pagkabilanggo matapos ang plea agreement dahil sa pagkakasangkot sa pagtatago sa bangkay ng biktima.

Gayunman, hindi niya kailangang mabilanggo sa correctional facility ang ina dahil “suspended sentence” ang ipinataw sa kaniya alinsunod sa umiiral na mga probisyon ng batas.

Iniulat sa telebisyon, na ikinagulat ng mga nakakakilala sa pamilya Samson ang nangyaring krimen dahil inilarawan na mabait na bata ang akusado. — Pia Gonzales-Abucay/FRJ GMA News

View the original on GMA News →

KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.