Nagja-jogging, hinabol ng saksak ng lalaking problemado umano; insidente, nahuli-cam

Nahuli-cam ang paghabol ng saksak ng isang matadero sa isang lalaki na nagja-jogging sa Mangaldan, Pangasinan. Ang naarestong suspek, sinabing problemado siya at nagblangko na ang pag-iisip.
Sa ulat ni Jasmien Gabriel Galban sa GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Huwebes, ipinakita ang CCTV footage sa nangyaring habulan ng biktima at suspek sa Barangay Poblacion noong Martes ng madaling araw.
Nang abutan ng suspek ang biktima, inundayan niya ito ng saksak ng ilang ulit bago niya nilubayan. Nasugatan sa sikmura ang biktima.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alaman na tricycle driver ang biktima na nagja-jogging nang mapansin ng suspek na isang matadero, at nakainom umano.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Perlito Tuayon, chief, Mangaldan Police Station, nagkaroon ng pagtatalo ang dalawa dahil hindi nagustuhan ng biktima ang sinabi sa kaniya ng suspek.
Unang kumuha umano ng tubo ang biktima at hinampas ang suspek, na umalis.
Nagpatuloy naman sa pagtakbo ang biktima nang biglang bumalik ang suspek na may dala nang patalim at doon na nangyari ang habulan at pananaksak.
Nadakip kalaunan ang suspek na aminado sa ginawang krimen. Humingi siya ng patawad sa biktima.
“Pasensya na po problemado lang kasi…talagang na-blangko na ako n’un,” anang suspek, na nahaharap sa kasong frustrated homicide.
Sinisikap pang makuhanan ng pahayag ang biktima, ayon sa ulat. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.