24-anyos na lalaki, arestado matapos mahuli-cam na nagnakaw sa kapitbahay sa QC

Arestado ang isang 24-anyos na lalaki matapos pagnakawan ang sariling kapitbahay sa isang apartment sa Barangay Holy Spirit, Quezon City pasado alas-dose ng hatinggabi nitong Biyernes.
Sa kuha ng CCTV, nakitang pumasok ang suspek sa apartment at pumunta sa kuwarto ng biktima na nasa trabaho ng mga oras na 'yon, ayon sa ulat ni GMA News reporter Gabriel Gonzales.
Ang hindi alam ng suspek, pinapanood ng biktima ang insidente gamit ang kanyang cellphone.
Natangay ng suspek ang aabot sa P359,000 na halaga ng pera at mga cellphone.
Agad ini-report ng biktima ang insidente sa mga awtoridad.
"Nagulat siya (biktima) bakit may tao. Kaya ang ginawa niya, tumawag siya sa base ng Holy Spirit sa atin at rumesponde naman kaagad ang mga tao natin," sabi ni Police Lieutenant Colonel Wilfredo Fabros Jr., station commander Holy Spirit Police Station 14 ng Quezon City Police District.
Hindi na nabawi ang pera at mga cellphone na nakuha ng suspek.
Kasalukuyang nakadetine sa Holy Spirit Police Station 14 custodial facility ang suspek at mahaharap siya sa kasong theft.
Aminado naman ang suspek sa nagawa niyang pagnanakaw.
Sa imbestigasyon ng pulisya, napag-alamang nalulong sa sugal umano ang suspek.
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.