Piso, nagtala ng bagong record low na P63:US$1

Humina pa lalo ang halaga ng piso kontra dolyar ng Amerika sa ikatlong sunod na araw ng kalakalan sa merkado nitong Huwebes. Nagkakahalaga na ngayon ng P63 ang kada US$1 upang magtala ng panibagong record low. Sa gitna iyan ng tinawag ng isang ekonomista na “series of unfortunate events.”
Bumaba ng 19 sentimos ang halaga ng piso at nagsara nitong Huwebes sa P63.06 kada dolyar, mula sa P62.87 kada dolyar noong Miyerkules. Ito na ang ika-27 record low ng piso ngayong taon, na lumagpas sa naitalang P62.90 kada dolyar noong Oktubre 8, 2026.
Iniuugnay ni Jonathan Ravelas, senior adviser ng Reyes Tacandong & Co., ang paghina ng piso sa posibilidad na magtaas ng interest rate sa Amerika. Nakatakdang magpulong ang Federal Open Market Committee (FOMC) sa susunod na linggo upang talakayin ang mga interest rate.
“A series of unfortunate events… higher probability of a rate hike in the US after a higher inflation print and geopolitical risks remain (and) continue to put the dollar in front position as well as the declining GIR (gross international reserves),” paliwanag niya sa mobile message.
Nangyari ito kasunod ng pagtaas ng inflation sa US sa 3.7% noong Setyembre, habang umakyat naman sa 2.6% ang core inflation.
Parehong mas mataas ang mga ito kaysa sa inaasahan ng merkado, kaya tumaas ang posibilidad na magtaas ng interest rate ang Federal Reserve sa gagawing pagpupulong sa Oktubre 27 hanggang 28.
Bumaba naman sa $99.996 bilyon noong Setyembre ang reserbang dolyar ng Pilipinas, o ang gross international reserves (GIR). Sukatan ito ng kakayahan ng bansa na magbayad para sa mga inaangkat na produkto at serbisyo, gayundin sa pagbabayad ng utang.
Ito na ang pinakamababang antas ng GIR sa loob ng tatlong taon, mula noong Setyembre 2023, nang umabot ito sa $98.116 bilyon.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.