P96 kada araw para hindi maituring 'mahirap' ang isang tao, hindi na updated--PIDS

Inilahad ng isang senior research fellow mula sa Philippine Institute for Development Studies (PIDS) na hindi na updated ang metodolohiyang ginamit na sapat na P96 sa isang tao kada araw upang makakain at hindi maibilang sa mga mahirap.
“Hindi nangangahulugan na kapag ikaw ay P100, maginhawa 'yung buhay mo. Hindi sinasabi ‘yon. So 'yung P96 na 'to ginagamit lamang itong indicator para ma-classify ang mga tao,” paliwanag ni Dr. John Paolo Rivera, senior research fellow sa PIDS, sa kaniyang guesting sa segment na On Record ng “Unang Hirit” nitong Martes.
Idiniin ni Rivera na napakaimportante ding malaman ng gobyerno kung sino ang hindi classified na poor o tinatawag na non-poor ngunit nangangailangan din ng assistance.
Hinikayat niyang maging updated na ang pamamaraan para sa pagbatay ng mga numero.
“So itong mga statistics na 'to nakakatulong 'to for policy target, for policy implementation. Pero 'yun lang, outdated kasi 'yung methodology. [Taong] 2011 pa 'yung computation, ina-update 'yan dapat every 10 years,” sabi niya.
“So isa itong panawagan sa ating lahat lalo na sa mga awtoridad na i-update natin ito para makasabay 'yung poverty threshold na 'to sa makabagong consumption. Panawagan na kailangan nating i-update, palakasin 'yung statistical system,” pagpapatuloy niya.
Ngunit pagdating sa makatotohanang pigura, sinabi ni Rivera na mahirap magsabi ng benchmark o ball park figure.
“Like [sa] Metro Manila iba ang standard of living, cost of living. Sa probinsya iba rin. So kailangan nating makita 'yung konsepto ng poverty na hindi across the board. Kapag tiningnan kasi natin siya ng across the board dito tayo magkakagulo,” paliwanag pa niya.
Batay sa Family Income and Expenditure Survey (FIES) ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba ang bilang ng mga Pilipino at pamilyang nabubuhay sa kahirapan noong 2025 kumpara sa 2023.
Ayon sa Department of Economy, Planning and Development (DEPDev), na sinipi ang pinakabagong resulta ng FIES, bumaba ang poverty incidence sa mga indibibuwal sa "lowest-ever" 9.7% noong 2025, mula sa 15.5% noong 2023.
Nangangahulugan ito na bumaba ang bilang ng mga Pilipinong nabubuhay sa ilalim ng poverty threshold mula 17.5 milyon noong 2023 patungong 11 milyon noong 2025.
Samantala, bumaba ang poverty incidence sa mga pamilyang Pilipino—na karaniwang binubuo ng limang miyembro— sa 6.4% noong 2025 mula sa 10.9% noong 2023. Ito ang unang pagkakataon na bumaba ang poverty incidence sa bansa sa mga pamilya sa isang digit na antas. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.