Pinoy, nasawi sa napigilang drone attack malapit sa oilfield sa Saudi Arabia

Isang Pilipino ang nasawi sa drone attack na napigilang pag-target sa isang pasilidad ng oilfield sa Saudi Arabia, ayon sa ulat ng Reuters, batay sa impormasyon mula sa Ministry of Energy ng kaharian.
Ayon sa Reuters, na-intercept ng air defense ng Saudi Arabia ang drone na puntirya ang isang pasilidad sa Shaybah oilfield ng Saudi Aramco nitong Miyerkules.
"The attempted attack resulted in the deaths of two residents, one Filipino and one Nepali, and injuries to two residents, one Pakistani and one Indian due to falling debris following the interception," ayon sa ministry.
Nagdulot din ng sunog sa isang sasakyan sa labas ng perimeter ng pasilidad ang insidente. Gayunman, hindi naman naapektuhan ang operasyon ng oilfield, ayon sa ministery na sinipi ang isang official source.
Nangyari ito sa gitna ng tumitinding pag-atake ng mga missile ng grupong Houthi ng Yemen, na kaalyado ng Iran, laban sa Saudi Arabia.
Bilang tugon, nagsagawa ang Saudi Arabia ng sunod-sunod na pag-atake sa mga lugar na pinaglalagyan ng mga missile launcher ng mga Houthi. Nangako rin ang kaharian na poprotektahan nito ang bansa at sinabing marami na itong na-intercept na mga ballistic missile na pinakawalan ng grupo.
Noong Oktubre 10, tatlong Pilipino ang nasugatan sa isang pag-atake sa King Khalid International Airport sa Riyadh. Hindi bababa sa 12 katao ang nasawi at mahigit 300 ang nasugatan sa insidente.
Sa mensaheng ipinadala sa GMA News Online, kinumpirma ni Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator PY Caunan na nakatanggap ang ahensiya ng impormasyon hinggil sa insidente.
Ayon kay Caunan, nakikipag-ugnayan na ang OWWA sa mga awtoridad ng Saudi Arabia at sa Saudi Aramco upang makuha ang opisyal na detalye.
"Nakatanggap ang Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ng mga ulat hinggil sa pagkasawi umano ng isang Pilipino sa isang pag atake sa Saudi Arabia. Kasalukuyang hinihintay ng ahensya ang pormal na ulat mula sa mga awtoridad ng Saudi Arabia at sa kinatawan ng kumpanya upang makumpirma ang mga detalye ng insidente," sabi ni Caunan.
Tiniyak din ng OWWA chief na mahigpit na minomonitor ng kanilang team sa Saudi Arabia, ng DMW, at ng Philippine Embassy sa Riyadh ang sitwasyon
"Nakahanda ang ahensya na magbigay ng nararapat na tulong at suporta sa pamilya," ayon kay Caunan.
Nauna nang sinabi ng OWWA na inaayos nito ang pagpapauwi sa humigit-kumulang 300 OFW sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Riyadh at Migrant Workers Office sa Saudi Arabia. — may kasamang ulat mula kay Jean Mangaluz/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.