OPINION: Ask Atty. Gaby: Trahedya sa school fun run

Make this your preferred source to get more updates from this publisher on Google.
Mga Kapuso, usong-uso talaga ngayon ang mga fun run lalo na at marami ang nasa fitness era. Pero wait, ingat po!
Isang masayang fun run event kasi ang nauwi sa trahedya matapos na makuryente ang ilang mga bata na naglalaro sa bubble party.
Dalawa ang batang nasawi na naglalaro sa bula matapos ang makulay na fun run sa Cauayan South Central School sa Cauayan City, isabela.
Isang Grade 2 pupil na 7 years old ang dead on the spot at namatay naman sa ospital ang 8 years old na lalaki.
Nagtamo naman ng galos sa katawan ang dalawa pang mag-aaral habang inoobserbahan sa ospital ang biktimang 6 years old, at na-discharge naman ang 9 years old na biktima.
Ayon sa imbestigasyon, ang mga biktima ay naglalaro sa bahagi ng malalaking bula nang magkaroon ng electrical short circuit o grounding.
Tinitingnan ng pulisya ang kalidad ng extension wire na ginamit sa mga makina na naging sanhi ng pagkakuryente.
Pag-usapan natin ang insidenteng 'yan. Ask me, ask Atty. Gaby!
Atty., ano ang sinasabi ng batas sa mga ganitong insidente sa school event lalo na mga estudyante pa ang mga biktima?
Sa ganitong sitwasyon, may legal na responsibilidad ang school na siguraduhin ang kaligtasan ng mga estudyante habang nasa ilalim sila ng kanilang supervision, instruction, at custody.
Hindi na kailangan pa na magpirmahan pa at magkaroon ng kontrata sa pagitan ng paaralan at ng mga magulang kapag in-enrol nila ang mga anak nila.
As usual, ang mga issue na katulad nito ay umiinog sa issue ng kapabayaan at kung nag-exercise ba ang paaralan ng required na degree of diligence.
Sa pangyayaring ito, tubig at kuryente. Parang obvious naman na hindi magandang kombinasyon ang dalawang ito lalo na kung maraming mga bata ang nasa vicinity.
So parang obvious din na dapat ay nagkaroon na karampatang pag-iingat ang mga guro, administrador, empleyado, at siguro kung mayroon man, third party contractors ng paaralan.
Alam na natin ang general rule. Sa ilalim ng Article 218 ng Family Code, ang mga paaralan ay nag-eexercise ng special parental responsibility at authority sa mga bata habang ang mga ito ay nasa kanilang kustodiya.
Once na iniwan ng mga magulang ang mga anak nila sa gate ng paaralan, ang expectation natin ay aalagan nila ang mga anak natin na tulad ng pag-aalaga natin sa sarili nating mga anak.
Kaya sa ganitong kaso, mahalagang tingnan kung may mga safety measure ba na ipinatupad bago at habang isinasagawa ang event.
Halimbawa, ligtas ba ang mga gamit at electrical connection? Nasuri ba ang mga equipment? May sapat bang supervision, at may mga precautionary measure ba para sa mga bata?
Meron na ring mga desisyon ang Korte Suprema na nagsasabing kung alam ng school na may potential risk ang isang activity pero hindi ito naglagay ng kailangang safety measures o protective measures, talagang maaaring maging batayan iyan para sa pagtukoy ng negligence o pagpapabaya ng isang paaralan na magiging kaso para sa pagbayad ng danyos para sa mga naging biktima.
Kaya't malaki talaga ang responsibilidad ng ating mga paaralan, hindi lamang na turuan ang ating mga anak ngunit kasama na ang paniniguro ng safety ng mga ito.
At sa mga pagkakataon na ang isang menor de edad ay nasaktan o namatay habang nasa paaralan, nalilipat ang responsibilidad sa paaralan na ipakita na hindi sila nagkulang. Nasa kanila na ang burden of proof na patunayan na hindi sila naging pabaya under the circumstances.
At ito na nga ang mga bangungot para sa ating mga magulang. Isama pa natin ang iba pang mga pangamba sa panahon ngayon tulad ng bullying sa eskuwela, mga threat ng violence at iba pang mga nakakatakot na pangyayari sa mga paaralan.
Sana'y matigil na ang mga ito para ang mga paaralan ay maging mga lugar muli ng kapayapaan at karunungan.
Ang mga usaping batas, bibigyan nating linaw. Para sa kapayapaan ng pag-iisip, huwag magdalawang-isip. Ask me, ask Atty. Gaby!
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.