3 lalaki, patay matapos ma-trap sa sewage treatment plant ng isang hotel sa Davao City

Nasawi ang tatlong lalaki na miyembro ng engineering team ng isang hotel sa Davao City matapos silang ma-trap habang nagsasagawa ng maintenance work sa lifting station ng gusali noong madaling araw ng Lunes.
Sa ulat ni Jandii Esteban sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Miyerkoles, sinabing nagsuot ng self-contained breathing apparatus ang mga tauhan ng Davao City Fire District nang rumesponde sa insidente.
Ayon kay Fire Senior Inspector Frances Marie Sendrijas, tagapagsalita ng Davao City Fire District, patay na nang madatnan nila ang mga biktima na isang engineer at dalawang maintenance crew sa sewage treatment facility.
Ipinaliwanag ni Sendrijas na hindi kaagad napuntahan ang mga biktima dahil kailangan muna nilang matiyak na hindi rin mapapahamak ang mga responder.
“We cannot just release our responders na alam naman na hazardous pa talaga yung area. So the presence of any hazard ina-access talaga natin ‘yon,” saad niya.
Napag-alaman na magpositibo sa carbon monoxide ang pasilidad na delikado para sa mga rescuer.
Gumamit ang mga responder ng air high monitoring device upang matiyak ang kaligtasan sa lugar.
Ayon kay Sendrijas, mataas ang antas ng carbon monoxide sa lugar na maaaring ma-suffocate ang taong matagal na makalalanghap nito.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente upang matukoy ang dahilan ng pagkasawi ng tatlo. Aalamin din kung may pagkukulang ang hotel sa nangyari sa kanilang mga tauhan.
Naglabas naman ng pahayag ang pamunuan ng Dusit Thani hotel, at nagpahatid sila ng pakikiramay sa mga pamilya ng mga biktima.
Nakahanda rin umano silang makipagtulungan sa isinasagawang imbestigasyon.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.