Pamunuan ng eskuwelahan, puwedeng magdeklara ng 'Walang Pasok'

Nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isang executive order (EO) na nagbibigay sa pamunuan ng mga paaralan ang kapangyarihang magdeklara ng suspensyon ng face-to-face classes batay sa lagay ng panahon, o kung mapanganib ang kondisyon sa kanilang lugar.
Sa ilalim ng EO No. 130, nakasaad na maaaring magpatupad ang mga paaralan ng granular suspension kahit walang idineklarang suspensyon ng klase ang pambansa o lokal na pamahalaan.
“In the absence of an applicable automatic suspension or localized suspension declared by the concerned LCE (local chief executive), an educational institution or learning center may, through its duly authorized official, declare granular suspension, in coordination with the concerned LCE, upon the determination that an actual or imminent threat to the safety, health, or welfare of learners and personnel exists based on documented site-specific conditions,” nakasaad sa EO.
Bukod sa granular suspension, maaari ding awtomatikong suspendihin ng mga paaralan ang mga face-to-face class at trabaho kapag naglabas ang PAGASA, PHIVOLCS o DENR-Environmental Management Bureau ng anumang babala, advisory, alert level o forecast.
Maaari din namang magdeklara ng suspensyon ang mga lokal na opisyal batay sa partikular at beripikadong antas ng panganib o kalamidad sa kanilang nasasakupang lungsod, munisipalidad o lalawigan.
Gayunman, nakasaad sa EO na dapat magpatupad ang mga paaralan ng mga hakbang para maipagpatuloy ang pag-aaral ng mga estudyante sa kabila ng suspensyon ng mga face-to-face class o aktibidad.
“Educational institutions and learning continuity measures consistent with the policies of the ECCD Council, DepEd, CHED TESDA, and other agencies operating or supervising specialized educational institutions and learning centers, to ensure that learning continues despite the suspension of in-person classes,” saad sa EO.
Bukod dito, pinapayagan din ng EO No. 130 ang mga paaralan na humiling ng mas maagang pagbabalik ng klase bago pa maglabas ng kautusan ang lokal na pamahalaan para sa buong nasasakupan nito.
Kailangan lamang na may dokumentadong pagsusuri na magpapatunay na ligtas na ang lugar ng paaralan at sumang-ayon dito ang alkalde o gobernador.
Kaugnay naman ng banta ng El Niño, sinabi ng Department of Education na maaaring suspendihin ng isang paaralan ang parehong face-to-face at online classes kapag umabot na sa 42 degrees Celsius ang temperatura sa lugar, matapos makipag-ugnayan sa kinauukulang lokal na pamahalaan.—FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.