Kawatan na naka-brief lang, tumangay ng P70K halaga ng mga alahas at gamit sa isang bahay

Isang lalaking naka-underwear lang ang nahuli-cam na nanloob sa isang bahay at tumangay ng nasa P70,000 halaga ng mga alahas at gamit sa General Santos City.
Batay sa impormasyon ng GMA Regional TV, na iniulat sa Balitanghali nitong Miyerkoles, mapanonood sa CCTV camera ang dahan-dahang pagpasok ng kawatan sa bahay sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana.
Ilang saglit pa, kinuha niya ang bag na nasa sahig at iba pang gamit na nasa cabinet bago lumabas sa bintana.
Hinala ng biktima, modus ng suspek na magsuot ng underwear para mabilis na makalusot sa daanan at makatakas.
Patuloy ang pag-iimbestiga ng mga awtoridad ang insidente para matukoy ang pagkakakilanlan ng kawatan. – Jamil Santos/FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.