11-anyos na lalaki, nasawi matapos mailigtas sa pagkalunod sa dagat ang 2 pinsan na menor de edad din

Nagbuwis ng sariling buhay ang isang 11-anyos na lalaki para masagip mula sa pagkalunod sa dagat ang dalawa niyang pinsan na mga menor de edad din sa Ilocos Norte.
Sa ulat ng GMA Regional TV One North Central Luzon nitong Martes, sinabing nangyari ang insidente sa Barangay 33-A La Paz sa Laoag City.
Ayon sa ama ng biktima, nagpunta sa gilid ng dagat ang kaniyang anak para sana tumulong sa paghila ng lambat sa pangingisda.
Pero habang hinihintay ang pagdating ng bangka, napansin umano ng biktima na nalulunod ang dalawa niyang pinsan na naliligo noon sa dagat.
Sinaklolohan ng biktima ang kaniyang mga pinsan na matagumpay niyang nailigtas. Ngunit sa kasamaang-palad, siya naman ang nadisgrasya at nalunod.
Dinala ang biktima sa ospital pero hindi na siya umabot nang buhay. Nagpapagaling naman ang kaniyang mga pinsan.
“Yung babae naman na pinsan niya hindi alam maglagoy kaya siya ang nag-rescue. Tapos bumalik yung anak ko yung pinsan niyang isang nalulunod, doon na sila nagkwan… kinapit niya yung anak ko, siyempre hindi na makakwan…,” saan ni Jaime Asuncion, ama ng biktima. – FRJ GMA News
KioskNews shows a cleaned-up reading view extracted from the publisher’s page — the original always lives on their site, not ours.